Katrabaho, Pinatay at Isinako; Suspek, Arestado

AGAD DINAKIP ng mga operatiba ng Sta. Maria Police ang isang stay-in worker ng Superior Stock Farm sa Sitio Gulod Brgy. Pulong Buhangin, Sta.Maria, Bulacan makaraang mapatay nito sa pamamagitang ng malaking tipak ng bato na ipinalo sa mukha ng biktima.

Sa report na nakarating sa himpilan ng pulisya, kinilala ang nasawing biktima na si Romeo Cabalida, 47 anyos, binata, stay-in worker; samantalang ang suspek naman na agad ding nadakip ay nakilalang si Raul Bayeta, 42 anyos, feed cart operator.

Base sa inisyal na im-bestigasyon ng mga pulis, una nang hinataw ng kahoy ng biktima ang suspek, sa hindi pa malamang kadahilanan, kung saan gumanti naman ang suspek sa pamamagitan ng pagkuha ng malaking tipak ng bato,at saka ipinalo sa mukha ng matandang binata.

Nabatid na dahil sa lakas ng pagkakapalo, agad binawian ng buhay ang biktima, kung saan agad umanong isinilid sa isang sako ang biktima, bago itinapon sa isang lagoon, ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng krimen.

Dakong alas-7:00 naman ng umaga nang matagpuan ng isang Diosdado Juwaan, caretaker naman ng kabayo, ang isang sako na naglalaman ng isang  tao. Dahil sa matinding takot, agad itong nagsumbong sa mga barangay tanod na agad namang naiahon mula sa lagoon, na ikinagulat ng caretaker dahil kasamahan niya ang natagpuang patay na basag ang ulo at mukha.

Samantala nahuli naman agad ang suspek nang makita ang mga galos at sugat sa katawan nito, indikasyon ng pakikipag-away. Kaugnay nito, detenido ngayon ang suspek sa Sta. Maria Municipal Jail.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.