Kasuhan kahit kaalyado sa pork – PNoy

HINDI UMANO nababahala ang Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na maubusan ng kaalyado sakaling marami sa mga ito ang madidiin sa PDAF scam.

Maaalala na base sa listahan ni Janet Lim-Napoles na hawak ni dating Sen. Panfilo Lacson, nasa 12 senador at mahigit 100 kongresista ang nakatransaksyon sa naturang iskandalo.

Maliban dito, lumabas din ang pangalan nina Budget Sec. Butch Abad at Agriculture Sec. Proceso Alcala na nakaladkad din sa anomalya.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, hindi sila mangingiming pakasuhan at ipalitis ang mga kaalyado kung ito ang tutumbukin ng mga ebidensya.

Sinabi ni Coloma na pabor silang mailabas na ang lahat at magkaalaman na sino ang mga nakinabang sa katiwalian ng pork barrel fund.

Sa panig naman ni Abad, binanggit nitong hindi na siya nagulat sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan dahil lagi naman daw siyang sinisiraan.

Maging si Alcala ay nagsabi na ring walang katotohanan umano ang mga alegasyon.

Napabalitang matapos makausap ni Justice Sec. Leila de Lima ang punong ehekutibo kaugnay ng testimonya ni Napoles ay agad daw ipinatawag ng Pangulo sina Alcala at Abad.

Naireport ding ilang incumbent senators na kasapi ng Liberal Party (LP) na tahasang bumanat kina Enrile, Revilla at Estrada dahil sa pagkakakakaladkad sa scam ay lumalabas na kasama pala sa listahan ng negosyante.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.