Kaso ng Dengue sa Navotas, bumaba

DAHIL SA PINAIGTING na kampanya laban sa Dengue ni Mayor John Reynald M. Tiangco at ng Navotas City Health Office, 247 lamang ang naitalang kumpirmadong kaso nito mula Enero hanggang Agosto sa Navotas ngayong taon kumpara sa 840 na kaso nito noong nakaraang taon.

Sa ginawang obserbasyon ng Center for Health Development – Department of Health  noong nakaraang linggo o sa 32nd morbidity week nito, mula sa 16 na lungsod at isang munisipalidad , ang Navotas ay pumangalawa sa 17 LGUs na nabanggit na may pinakamabagal na pag-akyat ng kaso ng Dengue base sa kinumparang datos ng 2010 at 2011 dahil sa epektibong kampanya laban dito.

Ilan sa mga isinagawang hakbangin ng Navotas upang mapuksa ang mga lamok na may dalang Dengue virus sa lungsod ay ang tuluy-tuloy na pagkalat ng impormasyon sa iba’t ibang barangay, eskuwelahan at komunidad ukol sa mga palatandaan at paraan upang maiwasan ang sakit na ito

Bukod dito, nagkaroon din ng personal na inspeksyon si Mayor John Rey Tiangco kasama ang puno ng kalusugan at ilang opisyales ng Navotas, sa mga bahay-bahay at komunidad na tinatawag na “Stickering Campaign for Dengue-Free House”. Nasa humigit-kumulang na 50,000 kabahayan ang nasigurong Dengue-free sa Navotas sa naturang inspeksyon mula Enero ng taong kasalukuyan.

Ang aktibidad na ito ay regular na isinasagawa sa lungsod bago sumapit ang panahon ng tag-ulan. Isa lamang ito sa epektibong stratehiya ng lungsod ng Navotas upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng Dengue.

Sa utos din ni Mayor Tiangco, nakipag-ugnayan din ang tanggapan ng kalusugan ng Navotas sa DepEd upang magsagawa ng OVI Trapping sa lahat ng eskwelahan sa lungsod upang masiguro na hindi na dadami ang mga lamok.

Nagsasagawa din ng “Spraying” ang mga sanidad sa mga lugar na may kaso ng Dengue at “Fogging” kung kinakailangan lalo na kung may 3 at mahigit pang kaso sa isang lugar.

(MARY H. SAPICO)

 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.