Kasiyahang Nauwi sa Rambulan Dahil sa Makitid na Daan!

 

0923795xxxx – Mr. Action Man, Raffy Tulfo, nais ko pong ihingi ng tulong ang pambubugbog na ginawa ni PO2 Armando Tamundong sa aking hipag, biyenan at iba pa naming bisita. Nangyari po ito noong graduation party ng aking mga anak. Nasagi sa paa ang aking hipag ng sasakyan ni PO2 Tamundong at imbis na humingi ng pasensiya, pinagsalitaan pa ito ng masama at binugbog. Hindi nakatiis ang aking biyenan kaya sumugod siya na mayroong dalang pamalo. Pinosasan ang aking biyenan at ikinulong ang dalawa pa naming bisita na nagtangkang kunan ng video ang pangyayari. Nagrambulan ang aming mga bisita at ang mga kasama na lulan ng kotseng sinasakyan ni PO2 Tamundong. Halos lahat po ng aming bisitang babae ay nasaktan. Nagpaputok rin po ito ng tatlong warning shots dahil kinukuyog na sila ng aming mga bisita at kapit-bahay. Sana po ay mabigyan ng karampatang parusa ang mga pulis na ito.

 

0915244xxxx – Idol Raffy, sa pamamagitan ng inyong programa nais kong isumbong ang mga pulis ng Taytay, Rizal dito sa Barangay ng San Juan sa may Barkadahan bridge. Ang mga naka-motorsiklong walang helmet ay patatabihin at hihingan lamang ng isang daang piso at ito ay absuwelto na. At kung hindi po ito magbibigay, titiketan nila ito at bibigyan ng maraming violation. Ang paniket na kanilang ginagamit ay taong 2003 pa. At ang matindi po rito, ‘yung striker nila ang naniniket. Nakatago rin po ang nameplate ng mga ito. Nais po naming maipaalam ninyo ang bagay na ito sa kanilang pinuno para matigil na ang kawalanghiyaan ng mga taong ito. Napakaganda po ng inyong show sana po ay tumagal pa ito ng maraming taon.

 

0915298xxxx – Mr. Raffy Tulfo, nais ko lamang pong isumbong ang isang pulis ng San Juan, na nagngangalang Franco. Ito lamang po ang nakalagay sa kanyang nameplate. Madalas po itong nakatambay sa parking area ng Xavier school dito sa San Juan. Kinokotongan po nito ang mga sasakyan na hindi makaparada sa loob ng eskuwelahan. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang maling gawain ng pulis na ito na kung saan nang-aabuso ng kapwa. Maraming salamat po.

 

0919986xxxx – Boss Raffy, sana po ay mabigyan ninyo ako ng pagkakataon na maisangguni ko sa inyo ang aking problema. Nais ko po sanang ipaalam sa inyo ang pagmamalabis na ginawa sa amin ng enforcer ng MMDA. Kami po ay kinotongan ng halagang dalawang libo para raw po sa paglabag sa batas-trapiko. Ito po ay aking pabubulaanan dahil wala naman po akong nilabag na batas. Pero dahil po sa  sobrang takot at pagbabanta ng enforcer na ito, napilitan po kaming maglabas ng dalawang libong piso. Pagkakuha po ng pera ay ngumingising palayo ang enforcer na ito. Sana po ay maparusahan at matanggal siya sa serbisyo. Marami pa ang bibiktimahin ng taong ito kung hindi ito masusugpo. Umaasa po kami na mabibigyan ninyo ng solusyon ang problemang ito.

 

SIMULA NGAYONG araw, ang WANTED SA RADYO ay pansamantalang muling mapapakinggan sa oras na 12:30-2:00pm sa 92.3 News fm Radyo5. Ito ay para bigyang-daan ang coverage sa impeachment trial sa Senado. Ito ay mapapakinggan Lunes hanggang Huwebes sa nabanggit na oras at pagdating ng Biyernes, break ng impeachment, ito ay babalik sa dating oras na 2-4pm.

 

 

 

 

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.