Kasambahay, Todas sa Akyat-Bahay

ISANG 19-ANYOS na kasambahay ang namatay makaraang pasukin ng isang magnanakaw ang bahay ng kanyang amo sa Quezon City at pagsaksakin ito, ayon sa pulisya kamakailan.

Kinilala ni SPO1 Eric Lazo ang nasabing biktima na si Marjorie Velasco, dalaga, tubong-Isabela at stay-in sa Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Lumalabas sa follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, agad na nahuli ang salarin na si John Dale Napagal, 24, binata ng Don Sergio Extension, Don Antonio Heights sa naturang barangay.

Si Napagal ay naaresto base sa testigong nakakita kung papaano niya pinasok at pinagsasaksak ang nasawing biktima.

Base sa pagsisiyasat, naganap ang insidente alas- 9:50 ng umaga sa bahay na pinaglilingkuran ni Velasco.

Nabatid na ang biktima ay walong buwan pa lamang naninilbihan bilang kasambahay ni Atty. Geraldin Grace Rabago kung saan bago mangyari ang insidente ay iniwan siya nito sa bahay kasama ang iba pang kasambahay.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation nila SPO1 Kristo Romualdo kasama ang mga testigo sa may squatters’ area sa may bahagi ng Don Sergio Extension St., naispatan nila ang salarin na naglalakad dahilan para ito dakpin.

Sa ngayon, kasong Robbery with Homicide ang isinampa ng CIDU-QCPD laban sa salarin.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.