Kasambahay, Namatay sa Gulpi ng Amo

HUMIHINGI NG hustisya ang pamilya ng isang 17-anyos na dalagitang kasambahay makaraang mamatay dahil sa umano’y panggugulpi ng kanyang mga amo sa Mandaluyong City.

Nakuha ng kanyang ina sa Quiogue Funeral Homes ang bangkay ng biktimang si Rochelle Lopez, tubong Daet, Camarines Sur.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang itinuturong salarin na si Maria Shiela Gomez, ng F1-California Garden Square, Brgy. Highway Hills, ng naturang lungsod.

Base sa report ng Mandaluyong Police Women’s and Children’s Protection Desk, dumulog kamakailan ang mga magulang ng biktima na sina Renato at Jocelyn Lopez, kasama ang mga tauhan ng Basud, Camarines Norte Police, at humingi ng tulong upang matunton ang anak na si Rochelle na hinihinalang napatay ng amo.

Sinabi ng inang si Jocelyn na tumawag umano sa kanila ang amo ng kanyang anak na si Gomez kamakailan at sinabing puntahan ito sa pagamutan dahil sa nawalan ng malay at dumudugo ang ilong. Muli umano itong tumawag at sinabing kunin na lamang sa morgue ang bangkay ng biktima.

Sa tulong ng Mandaluyong Police, natunton ang bangkay ni Rochelle sa nabanggit na punerarya.

Nang isailalim sa awtopsiya, lumitaw na namatay ang biktima sa matinding pinsala sa ulo dulot ng paulit-ulit na pag-untog o pagpukpok ng matigas na bagay.

Samantala, nabatid na minsan na rin umanong nagsumbong ang biktima sa kanyang mga kaanak na pinagmamalupitan siya ng amo at binubugbog kaya gusto na nitong umuwi sa kanilang lalawigan.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.