Karapatan ng Piece-Rate Employee

Dear Atty. Acosta,

NAGTATRABAHO AKO sa isang factory bilang isang piece-rate employee. Tama po ba na magtrabaho kami ng 16 oras sa isang araw kapag may hinahabol na shipment? Hindi po namin alam ang output namin o iyong produktong nagawa namin sa bawat araw. Paano po ba ito? Sana po ay mapaliwanagan ninyo ako. Salamat po.

Aira

 

Dear Aira,

ANG PIECE-RATE employee ay isang uri ng empleyado na gumagawa ng produkto kung saan ang proseso ng paggawa ay paulit-ulit lang at ang resulta ay madaling mabilang. Ang ganitong empleyado ay sumasahod ayon sa bilang ng produktong natapos. Ang probisyon sa Artikulo 83 ng Labor Code na nagsasaad na “bawat empleyado ay maaari lang magtrabaho hanggang walong oras” ay hindi maaaring gamitin sa mga piece-rate employee. Ang basehan kasi ng kanyang sahod ay hindi ayon sa oras na kanyang ginugol sa pagtatrabaho kundi sa bilang o dami ng produktong nagawa niya. Dahil dito ang isang piece-rate employee ay walang karapatang makatanggap ng overtime pay, night shift differential, premium on rest day and holiday, holiday pay at service incentive leave (Title I, Book III ng Labor Code). Kaya kahit pa 16 na oras o mahigit walong oras ang iyong pagtatrabaho ay hindi ka makatatanggap ng mga nasabing benepisyo. Ang output o natapos na produkto ng piece-rate employee na binabanggit dito ay dapat ginawa ayon sa pamantayan at paraan na ibinigay ng Labor Code o ang rate ng mga produkto ay sumusunod sa inilahad na rate ng Secretary of Department of Labor. (Section 2 [e] Rule I Book III, Rules Implementing the Labor Code).

Binanggit mo rin na hindi ninyo alam kung ilan ang output o kabuuang produktong natapos ninyo sa bawat araw. Ayon sa Section 10, Rule X, Book III ng Rules Implementing the Labor Code, ang employer ng isang piece-rate employee ay kinakailangan na magkaroon ng rekord ng produktong ginawa sa bawat araw, kabuuang kita para sa ginawang produkto at bilang ng oras na nagtrabaho ang nasabing empleyado. Kinakailangan na nakalagay sa rekord ang pirma o thumbmark ng empleyado.

Sa iyong kaso, kailangan ninyo munang kausapin ang employer ninyo para ipagbigay-alam ang inyong hinaing. Ang nakikita naming problema rito ay hindi ninyo alam ang kabuuang bilang ng output o natapos na produkto sa bawat araw. Karapatan ninyong malaman ito dahil nakadepende o nakasalalay ang inyong sahod sa output ninyo. Kapag hindi pa rin ginawa ng employer ang kanyang responsibilidad na itala at ipagbigay-alam sa inyo ang output o natapos na produkto, makabubuti kung sumangguni na kayo sa Department of Labor and Employment para ito ay mabigyang-pansin at maaksiyunan ng ahensiya.

 

Malugod po namin kayong  inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

loading...

One thought on “Karapatan ng Piece-Rate Employee

  1. Please read this link po. magkaiba opinion nyo sa holiday & incentive leave
    http://www.abante.com.ph/issue/oct2610/public_aa.htm

    Dear Atty. AGA,
    A pleasant day to you sir. Isa po akong piece rate worker o kung saan ang sweldo
    ko po ay depende sa output o sa nagawa ko sa aming kumpanya.
    Tagadikit po kasi ako ng stickers sa mga kalderong produkto ng aming kumpanya.
    Mag-iisang taon na din po ako sa ganitong trabaho. Hindi po kasi ako nakapagtapos ng pag-aaral
    kung kaya’t tanging ito lamang ang kaya kong pasukan.
    Gusto ko lang sanang malaman kung makakakuha ba ako ng 13th month pay sa darating na
    Disyembre kahit na ako ay isang piece rate worker lamang. Entitled din ba ako sa holiday pay?
    Umaasa,
    Miguel
    Ayon sa umiiral na batas o sa Implementing Rules ng ating Labor Code, ang employees paid by
    results or output are entitled to holiday pay. It shall not be less than his average daily earnings for
    the last seven actual working days immediately preceding the regular holiday. Gayunpaman, ang
    holiday pay ay hindi dapat bababa sa applicable statutory minimum wage rate. Dahil dito, bilang
    isang piece rate worker, ikaw ay entitled sa holiday pay.
    Para sa iyong karagdagang kaalaman at sa iba pa nating mga tagasubaybay, ang piece rate
    employees ay entitled sa mga sumusunod na minimum wage and benefits, the applicable statutory
    minimum daily rate, yearly incentive leave of five (5) days with pay, night shift differential pay,
    holiday pay, meal and rest periods, overtime pay (conditional), premium pay (conditional), 13th
    month pay and other benefits granted by law, individual or collective agreement or company policy
    or practice.
    In other words, entitled ka sa 13th month pay mo together with the holiday pay, as discussed in the
    previous paragraphs.
    Kung kayo ay may mga bagay na nais malaman o problemang nais na idulog, maaari kayong
    magsadya o sumulat sa aming tanggapan sa DZXL RMN MANILA sa Guadalupe Complex, 4th Floor,
    Guadalupe, EDSA, Makati City. Patuloy din tayong makinig sa ating radio program, ITO ANG BATAS
    WITH ATTY. AGA, Lunes hanggang Biyernes, sa bagong time slot 4:00-6:00 pm, DZXL RMN Manila
    sa 558 khz or through live streaming at http://www.rmnnews.com/tv. Pwede ring mag-email sa
    agalaw@pldtdsl.net.
    Lagi po nating tandaan, ITAGUYOD NATIN ANG LAKAS NG ATING BATAS!

Leave a Reply

Your email address will not be published.