Karamihan ng Nagpupumilit na Makapagparehistro, Flying Voters – Comelec

MAY NAKIKITA umanong trend ang Commission on Elections (Comelec) na marami sa mga nagpipilit na magparehistro nitong nakalipas na 10 araw na voter’s registration para sa gaganaping sangguniang kabataan (SK) at barangay elections ay nagpapalipat lamang o kaya mga tinaguriang “flying voters”.

Ayon kay Chairman Sixto Brillantes, lumalabas sa kanilang pag-aaral sa unang ilang araw ay meron silang natutukoy na trend lalo na at biometrics o computerized na ang sistema ng pagpatala.

Naniniwala rin si Brillantes na laganap ang “hakot system” at flying voters sa nakalipas na pagpapare-histro kaya lilinisin ang mga listahan sa mga susunod na araw ng kanilang sistema.

Agad ding nilinaw ng Comelec na hindi bawal ang magpalipat ng rehistro. Pero kung nakaboto na noong nakaraang eleksyon noong Mayo, hindi na dapat magpalipat pa lalo na kung wala pang anim na buwan sa paglilipatan ng bagong residency.

Nagtataka naman ang poll body chairman na kahit mag-alas-5:00 na ng hapon sa kanyang pagbisita sa Comelec Arroceros sa Maynila ay napakarami pa rin ang nakapila.

May napansin pa nga raw siya na ang iba sa mga pumipila ay galing pa ng malayong lugar para magpalipat ng rehistro.

Nagpapakita lamang aniya ito na laganap ang “hakot system” ng mga magkakalabang kandidato sa barangay.

Samantala, depensa rin ng Comelec na wala na raw halaga pa kung mag-extend ng pagpapatala. Hindi rin daw ito solusyon dahil lalo pang darami ang magpapalusot.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.