Karahasan, Tumaas sa Bisperas ng Halalan

PATULOY PA ring tumataas ang kaso ng mga election-related violence sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa lalawigan ng Cebu, sugatan ang isang tagasuporta ng isang tumatakbong mayor sa bayan ng Tuburan, matapos barilin nang hindi pa nakilalang mga salarin.

Lumalabas sa pagsisiyasat, kasama ang biktima na nakilalang si Giovanni Dela Cerna Pono sa mga nagi-escort sa mga idineliber na mga precinct count optical scan machines (PCOS) nang tambangan ito.

Sugatan din ang supporter ng United Nationalist Alliance (UNA) matapos binaril nang kaanak na supporter ng kandidato ng Liberal Party sa Iloilo.

Ang biktima ay nakilalang si Jose Lorca, na nagtamo ng sugat sa kanang bahagi ng paa habang ang suspect ay mismo ang kaanak din nito na si Lino Lorca.

Ayon kay PO3 Elmer Lentija ng Maasin Municipal Police Station, nag-iinuman ang grupo ng biktima sa bahay ni Roy Bermudo nang dumating ang armado at lasing na suspect kasama si Bautista Clementer.

Agad nagtakbuhan ang nag-iinumang grupo subalit hindi na nakatakbo ang biktima dahil tinututukan na ito ng baril ng suspect at agad na binaril.

Confined sa Western Visayas Medical Center ang biktima habang nananatili namang atlarge ang salarin kasama si Clementer na agad na tumakas matapos ang krimen.

Narekober naman sa naturang lugar ang tatlong empty shell ng .45 calibre pistol at isang holster na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Sa Leyte, isang bomba rin ang sumabog kahapon ng madaling-araw sa harapan mismo ng pamamahay ng barangay kapitan ng Brgy. Canalom, Inupakan Leyte.

Base sa pagsisiyasat, itinapon umano ng ‘di nakilalang mga salarin  na riding-in-tandem ang nasabing bomba sa may gate ng bahay ni Kapitan Celso Malangis.

Agad umanong sumabog ang explosive device ngunit wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Dagdag pa rito, isa naman ang sugatan matapos barilin ng mga armadong suspek ang apat na bahay na pagmamay-ari ng apat na magkakamag-anak na barangay kapitan ng iba’t ibang mga barangay sa bayan ng Salug, lalawigan ng Zamboanga Del Norte.

Base naman sa ulat ng Salug municipal police station, napag-alaman na ang mga bahay ay pagmamay-ari nina barangay kapitan Florentino Lamdag Lazaraga, Melchor Tagulob Abel, Ruel Español Bayubay at si barangay kapitan Samuel Lamdag Larazaga.

Nabatid ng mga kinauukulan na bandang alas-1:00 ng madaling-araw nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang armadong grupo ang mga bahay sa lugar.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang misis ni barangay kapitan Samuel Lamdag at ngayon ay ginagamot sa isang pagamutan.

Samantala, narekober din ng mga awtoridad sa lugar ng insidente ang 13 basyo ng bala at 10 slugs ng caliber .45 pistol.

Ayon sa mga kinauukulan, hindi pa malinaw sa ngayon ang kung ano ang motibo sa insidente subalit malaki pa rin ang paniniwala ng mga biktima na pulitika ang motibo ng mga suspek sa pamamaril.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.