Kapalpakan ni Paje, Accomplishment Daw… Pwe!

SAAN KA ba naman nakakita ng isang miyembro ng gabinete ng pamahalaan na ang kanyang kapalpakan at kapabayaan ay ginagawa niyang accomplishment para lumabas na siya’y pogi sa harap ng ating Pangulo?

Huwag na kayong lumingon kung saan-saan dahil makikita ninyo ang taong ito sa opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Tama ang hula n’yo, parekoy, si Sec. Ramon Paje ang ating tinutukoy!

Mantakin n’yo ba naman na sa nakaraang accomplishment ng NBI, ipinagmayabang niya na ang DENR daw ang nakahuli sa nasabat na 55 containers ng kahoy na idineklarang mga semento.

Ang ipinagmamalaki ni Paje, tumulong lang daw sa kanila ang NBI gayong ang totoo, katakot-takot na hirap sa surveillance ang inabot ng mga ahente ng kawanihan para mahuli ang illegal logs.

Itong si Paje ay hindi lang sinu-ngaling, mang-aagaw rin pala ng accomplishment para makasipsip kay P-Noy.

Matapos ang pagkakasabat sa mga iligal na putol na kahoy, napilitan si Paje na sibakin ang maliliit na empleyado ng DENR sa Mindanao. Eh siya itong dapat na sibakin ni P-Noy dahil palpak ang kanyang pamumuno!

Malinaw na responsibilidad niya iyon. Hindi ba niya alam na ‘yang mga kahoy na ginagawa ngayong upuan para sa public schools ay produkto ng panghuhuli ng NBI at pulisya dahil sa kapabayaan ng mga bata niya sa DENR?

‘Wag itong ipagmalaki ni Sec. Paje ‘pagkat ang mga kahoy na ‘yan ay isang malinaw na ebidensiya ng kanyang kapabayaan sa kabundukan at kagubatan.

At sobrang nakahihiya dahil ang huli ng NBI at PNP ay ginagawang accomplishment ng DENR!

Inutil talaga itong si Paje dahil ang Executive Order No. 23 ni P-Noy na lubusang nagbabawal sa anumang pamumutol ng mga punong-kahoy ay binabalewala niya.

Nakatunganga lang siya at nakanganga habang kinakalbo ng mga illegal logger ang ating mga kagubatan. Pwe!

Kaya hindi na kataka-taka kung bakit hindi makumpi-kumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si Sec. Paje.

Magmumukha kasing mga tanga at hindi marunong manuri ng taong karapat-dapat ang CA kung pormal nilang kukumpirmahin sa DENR ang isang gaya ni Paje!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

One thought on “Kapalpakan ni Paje, Accomplishment Daw… Pwe!

  1. Pingback: Kapalpakan ni Paje, Accomplishment Daw… Pwe! - ShowbizNews.ph

Leave a Reply

Your email address will not be published.