Kano, Nabudol-Budol; P2-M, Natangay

NABIKTIMA ANG isang Amerikano ng budol-budol gang at nawalan ng halos P2 milyon sa Digos City.

Nakilala ang nasabing biktima na isang Richard Cabon, 53, pansamantalang naninirahan sa Tirad Pass St., Digos City.

Unang nakipag-transaksyon ang Kano upang bilhin ang gold bars ng hindi nakilalang grupo ng mga swindlers.

Isinagawa ang negosasyon sa Dawis Beach Resort ng naturang lungsod kung saan ipinakita sa kanya ang tunay na gold na binayaran naman ng banyaga.

Nangyari ang pangalawang transaksyon na isinagawa dakong alas-10:00 ng umaga kamakailan sa Dawis Beach Resort kung saan si Cabon ay nagdala ng mas malaking halaga ng pera na umabot sa P1.8 milyon.

Nang magbabayad na sana ang dayuhan ay nabisto nito na peke ang dalang gold ng grupo na nakilala ang ilan sa mga ito na Rolly Villar, Robert Casiano at isang alyas Nilo.

Agad na bumunot ng .45 caliber pistol ang mga salarin nang mabistong pekeng gold ang kanilang dala kaya nagdeklara na ng holdup.

Tinutukan umano ang Kano at kinuha ang dalang bag nito na kinalalagyan ng pera.

Ang kasama ng biktima na si alyas Shirley ay natakot at tumakbo sa kanilang sasakyan.

Kaagad namang tumakas ang mga kawatan.

Walang nagawa ang banyaga maliban sa pagbibigay-ulat sa Digos City PNP.

Samantala, nabigo naman ang mga alagad ng batas na mahuli ang mga holdaper.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.