Kandidato sa Pagka-Mayor, Pinaslang Dahil sa Pulitika

MALAKAS ANG paniniwala ng pamilya Arce na pulitika ang dahilan ng pagpatay sa kapitan na isa sa mga tumatakbong mayor sa bayan ng Marcos sa Ilocos Norte.

Kasalukuyang abala pa rin ang PNP sa kanilang pagsisiyasat at follow up operations sa nangyaring pamamaslang kay barangay chairman Alfredo Arce ng Brgy. Fortuna sa bayan ng Marcos.

Una rito, si Arce ay binaril ng mga nakaabang na salarin habang sakay sa kanyang motorsiklo mula sa dinaluhang party sa Brgy. Fortuna.

Sinabi ng ilang testigo na matapos barilin ay hinabol pa at pinaputukan ang biktima hanggang sa matumba. Si Arce ay tinamaan sa kanyang ulo at sa tagilirian mula sa bala ng kalibre 45.

Dalawang bata na sakay sa isang pampasaherong jeep na nagkataong dumaan nang barilin si Arce ang tinamaan din ng ligaw na bala sa paa.

Kinilala ang mga ito na sina Cajinian Agustin, 5, tubong Brgy. Daquioag, Marcos at Joy Joaquin, 21, na taga-Brgy. Sinamar, Banna Ilocos Norte.

Samantala, makakalaban sana ni Arce sa pagka-alkalde sina Arsenio Agustin, isang neophyte candidate na negosyante at si incumbent Mayor Salvador Pillos. Noong Pebrero 4, 2013 lamang ay binaril din si Pillos ngunit hindi napuruhan ng riding-in-tandem na mga salarin.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.