Kandidato sa Pagka-Konsehal, Itinumba

KASALUKUYANG BLANGKO pa rin ang mga kinauukulan sa pagkakakilanlan ng mga salarin sa pagpatay sa isang negosyante at isa ring aspirante sa pagka-municipal councilor sa bayan ng Sibuco sa Zamboanga del Norte.

Base sa ulat na nakuha ng Police Regional Office (PRO-9), binaril ng suspek ang biktima na si Christopher Sacay, 36, habang nasa loob ito ng kanyang tindahan sa Kalye Bisaya, Barangay Poblacion, Sibuco ng nasabing lalawigan.

Kaagad namang nakatakas ang salarin kasama ang isa pa sakay ng kanilang motorsiklo.

Tatlong grabeng ta-ma ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Narekober din ng mga rumespondeng pulis ang apat na basyo ng bala ng caliber .45 pistol sa lugar ng insidente.

Mismo ang mga kaanak ng biktima ay wala ring ideya kung sino ang posibleng may kagagawan sa pagpaslang gayong wala rin naman itong kaaway.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng Sibuco Municipal Police Station sa naturang insidente.

Inaalam na rin ng pulisya kung may kaugnayan sa kanyang pagtakbo sa midterm elections ang pagpatay rito.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.