Kampo ng whistleblowers: Panukala ni Miriam, ‘di na kailangan

NANINDIGAN ANG kampo ng mga whistleblowers na hindi na kailangan pa ang testimonya ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.

Ito’y kasunod ng naging panukala ni Sen. Miriam Defensor Santiago na gawin na ang tinatawag na “perpetuation of testimony” kay Napoles para makunan na ng testimoniya bago pa man ito malikida kasunod ng posibilidad na ipapaligpit ito ng mga sangkot sa scam.

Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblowers na sinabi nito na magiging masalimuot ang set-up kung gagawin ang “perpetuation of testimony” dahil kailangan aniyang maglipat-lipat pa ng lugar ang negosyante para kunan ng testimoniya.

Ayon pa kay Baligod, ang “perpetuation of testimony” ay kailangang gawin sa bawat lugar ng mga posibleng kasuhan at sa usapin sa isyu sa pork scam kung saan 38 ang unang batch ng mga sinampahan ng kaso, nangangahulugan na gagawin rin ito sa 38 lugar kung saan naroroon ang mga akusado.

Kaya, bago gawin ang “perpetuation of testimony” kailangan munang makapagpalabas ng desisyon ang Supreme Court (SC) na magtatakda ng isang lugar lang para gawin lahat ito.

Gayunpaman, hindi naman kailangan ayon kay Baligod ang testimonya ni Napoles dahil umuusad naman ang kaso kahit mga testimoniya lang ng whistleblowers ang pinagbatayan ng Department of Justice (DoJ).

Aniya, walang katiyakan na magsasabi ng totoo si Napoles dahil kwestyunable na ang reputasyon nito sa pagsasabi ng totoo matapos matuklasan na hindi totoong nagmula sa lehitimong negosyo ang kanyang yaman nito.

Samantala, hindi rin pabor ang kampo ng mga whistleblowers na humarap pa sa pagsisiyasat ng Senado si Napoles dahil baka magsinungaling lang ito at isangkot pa ang mga inosente at magamit pa ng mga nasasakdal na pangdepensa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.