Kampanya laban sa Tigdas, pinaigting

PINAIGTING KAHAPON NI Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa pamamagitan ng kanilang house-to-house campaign at libreng pagbabakuna laban sa tigdas para sa mga batang may edad mula apat na buwan hanggang 12, kasabay ng ulat na nananatili pa rin itong ika-apat na killer disease sa hanay ng mga bata sa buong daigdig.

Ayon kay Tiangco, personal na magpupunta sa mga bahay ang kanilang mga health worker para bakunahan ang mga bata na nabibilang sa nasabing edad at bigyan sila ng vitamin supplements.

Kadalasan, kumakalat ang naturang viral disease sa mga matatao at mahihirap na lugar dahil na rin sa kakulangan ng kalinisan at sapat na kaalaman ng mga magulang upang maagapan ang paglala nito.

Ayon sa mga eksperto, mas malaki ang tsansa ng mga malulusog na batang nagkatigdas na makaiwas sa mga kumplikasyong dulot nito tulad ng bronchitis at pneumonia.

Pinayuhan din ni Tiangco ang mga magulang na agad na ipa-check-up ang kanilang mga anak sakaling may makita silang sintomas ng pagkakaroon ng tigdas tulad ng mataas na lagnat dahil posible itong magresulta sa kombulsyon.

Ikinatuwa ni Tiangco na hanggang sa kasalukuyan ay walang naitatalang kaso ng batang namatay sa tigdas mula sa 14 na barangay sa kanilang siyudad.

“Importante talaga ang information campaign dahil sa pamamagitan nito ay naiiwasan ang mas malalaking problema na posibleng idulot ng paglala ng tigdas sa mga bata at kahit sa mga matatandang nahawaan ng tigdas,” ani Tiangco.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.