Kampanya Kontra-Dengue, Pinaigting

LALO PANG pinaigting ang kampanya kontra-dengue sa Navotas City sa pamamagitan ng patuloy na paglilinis sa buong kapaligiran at mga kakalsadahan para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na Dengue sa mga residente ng nasabing lungsod.

Pinangunahan ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang paglilinis sa kalye upang isulong ang programang “Navotas Ko Love Ko, Lingap sa Kapaligiran” at “Juan at Liga ng mga Barangay versus Dengue” .

Muling sinimulan ang paglilinis kamakailan sa parteng baybayin ng Brgy. San Jose na labis na naapektuhan ng bagyong Pedring noong nakaraang taon, buwan ng Setyembre at higit sa daang kabahayan ang sinira at nag-iwan ng gabundok na basura.

Sa kabila ng patuloy na pagkolekta ng mga basura ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), matapos ang naturang kalamidad ay tuluy-tuloy naman ang pagtulong ilang sektor ng gobyerno gaya ng Local Government Unit (LGU) at mga residenteng boluntaryong tumulong sa paglilinis.

Idinagdag pa ni Tiangco, sa pagsisikap nitong maprotektahan ang kalusugan ng kanyang mga constituent, nakipag-ugnayan na rin siya sa 14 na barangay sa lungsod na magsagawa ng regular na pagbomba ng pesticide at panatilihin ang aktibidades sa paglilinis.

Kaugnay nito, nagtakda na rin ang pamahalaang lungsod sa pagbisita sa iba’t ibang lugar sa lungsod para maglinis dalawang beses sa isang buwan lalo sa mga baybaying-dagat na tambak ang basura na iniwan pa ng mga nagdaang bagyo.

Nais rin ng alkalde na maibalik ang natural na ganda ng kapaligiran para makalanghap ng malinis na amoy ng hangin kaya nanawagan ito sa mga Navoteño na maging responsable sa pagtatapon ng basura lalo na sa kani-kanilang bakuran.

Kasabay nito, pinaalalahan rin ni Tiangco si  CENRO Chief Joselito Osete, ang pagtakda ng regular na pagkolekta ng basura sa mga lugar.

(MARY H. SAPICO) 

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.