Kambal na Dinukot, Nakatakas sa 6 na Kidnapper

LIGTAS NA at nakabalik sa kanilang tahanan ang 15-anyos na kambal na babae matapos makatakas sa anim na kataong dumukot dito sa Brgy. Bintog, Plaridel, Bulacan.

Sa isinumiteng report ni Supt. Amado MendozaJr, kinilala ang mga biktima na sina Lyn at Lhea (pawang ‘di tunay na pangalan), residente ng Brgy. Bintog, ay dinukot ng anim na kalalakihang pawang mga lango sa alak at lulan ng tricycle nu’ng Lunes bandang alas-5:30 ng hapon matapos na maligo sa isang irigasyon sa Sitio Matumbok, Bgy. San Jose, Plaridel.

Tiniyak ng mga saksi na sina Rizalyn Macatani, 17 anyos; Jonard Albarico, 15; Christopher Salinas, 5; at Joan Aquino, 14, pawang mga residente ng North Ville, Brgy. Santol, Balagtas, na sapilitang isinakay ng mga kalalakihan ang kambal sa tricycle.

Matapos na matanggap ang report, agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad dahilan upang mahuli ang dalawa sa mga suspek na sina Donald Dayao, 24 anyos, residente ng Brgy. Banga 2nd; at Joshua Morelos, 24, ng Brgy. Parulan, ng bayang ito.

Nabatid na Biyernes, bandang alas-6:30 ng gabi, personal na ipinaalam ng ina ng mga biktima sa Plaridel Police na nakuha na niya ang nawawala niyang kambal sa Brgy. Malis, Guiguinto, Bulacan, habang siya’y nagkakabit ng larawan ng mga anak nang may makapagturo kung saan tumutuloy ang mga ito.

Sa iimbestigasyon ng pulis sa kambal, nakatakas ang mga biktima sa mga suspek matapos na tulugan sila ng isa sa mga ito.

Kung saan sa pagtakas ng mga biktima, nakilala nila si Anita Cayabyab, 52 anyos, at taga-Northville 7, Brgy. Malis, Guiguinto, Bulacan at kinupkop sila nito ng ilang araw.

Bunsod nito’y ayaw na sanang umuwi ng kambal sa kanilang sariling magulang sa takot na baka saktan sila nito at hindi na nila nagawang magsumbong pa dahil sa komportable at masaya na sila sa pamilya Cayabyab.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.