Kamaynilaan, maaring tamaan ng bagyong Santi

MAY POSIBILIDAD na lalo pang lumapit sa Metro Manila ang bagong bagyong Santi sa araw ng Sabado habang hinahagupit ang Central Luzon.

Sinabi ni Alvin Pura ng Pagasa forecasting center na may isa pa kasing bagyo na kasunod si Santi na ngayon ay nasa karagatang Pasipiko na papangalanang Tino na maaring makakaapekto sa direksyon ng naunang bagyo sa bansa.

Base sa orihinal na direksyon ng nasabing bagyo, maaring tatama ang sentro nito sa lalawigan ng Aurora sa araw ng Sabado, ngunit dahil may kasunod na bagyo maaring hihilain ito pababa kaya’t may posibilidad na lumapit sa Kamaynilaan ang direksyon ni Santi.

Dahil dito, pinaalalahanan ng Pagasa ang mga residente mula Bicol region, Metro Manila at mga lalawigan sa Central Luzon laban sa mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil malakas ang dalang ulan at hangin ng bagyo.

Nakataas na ang storm signal number one sa limang lalawigan sa Central Luzon at Bicol Region.

Kabilang sa mga lalawigan na nakataas ang signal number one ay ang Catanduanes, Camarines Sur, Isabela, Aurora, Quezon at Camarines Norte.

Taglay ng bagyong Santi ang lakas ng hangin na aabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may hangin na aabot sa 120 kilometro bawat oras.

Gumagalaw ang bagyo sa direksyon na kanluran hilagang kanluran sa bilis na 11 kilometro bawat oras.

Samantala, nilinaw din ng Pagasa na ang panibagong bagyo sa karagatang Pasipiko ay hindi na tatama sa kalupaan sa halip ay gigilid lamang ito papuntang Japan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.