KAMARA, UMAYUDA SA PALEA

NAKATAKDANG TALAKAYIN SA pagdinig ng House committee on labor and employment, na pinamumunuan ni Congressman Emilio Ong, sa ika-11 ng Nobyembre ang usapin upang mahanapan ng solusyon ang sigalot sa pagitan ng Philippine Airlines at ng mga kawani ng PAL na napipintong mawalan ng trabaho.

Sinabi ng mambabatas na inimbitahan na nila ang pamunuan ng PAL at PALEA, at mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DoLE). Ito ay matapos desisyunan kamakailan lamang ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz nang payagan nito ang PAL na kumuha ng taga-labas para mag-asikaso ng kanilang in-flight catering, cargo handling at call center-reservation services.

Ang nasabing desisyon ni Baldoz ay lubhang ikinabahala ng PALEA kung saan pinangangambahang mahigit 2,600 kawani ang mawawalan ng trabaho na direktang makaaapekto sa kanilang mga pamilya at kinabukasan ng kanilang mga anak.

Ayon kay Ong, hindi na dapat kuwestyunin ang hatol ng mga opisyales ng DoLE dahil ibinabatay nila ang kanilang desisyon sa mga umiiral na batas hinggil sa paggawa, kaya’t dapat na mahimay ang mga batas na ito kung kinakailangang amyendahan para sa kapakanan ng mga manggagawa.

Nanawagan din ang nasabing mambabatas sa mga kawani ng PAL na maging mahinahon sa kabila ng kaganapang ito at hayaan ang hustisya na umiral. Hinikayat niya ang mga ito na magsampa ng motion for reconsideration sa hukuman at iapela ang desisyon ng DoLE.

Kaugnay nito, pitong House resolutions ang inihain sa Kamara ng iba’t ibang mambabatas na nanawagan ng imbestigasyon hinggil sa outsourcing at kontraktwalisasyon na ipaiiral ng PAL, para maprotektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa.

(MARLON DITAN)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.