Kakaibang “giyera” sa Kuwait

 

ANG KAPATID KO po ay anim na buwang nagtrabaho sa Kuwait bilang DH. Ngunit ngayo’y nasa Filipino Workers Resource Center siya roon dahil tumakas daw siya sa abusado niyang amo. Halos 200 daw po silang stranded doon. Ano po ang nangyari sa lakad ni VP Binay sa Kuwait? May resulta po ba?

Jeremy ng San Fernando, Camarines Sur

 

MATINDI ANG KAGANAPAN d’yan sa Kuwait. May “giyera” ngayon d’yan. Ang labanan ay sa pagitan ng mga OFW at mga employer nila. At hindi namin malaman kung sino ang kinakampihan ng mga opisyales natin d’yan ng DFA at DOLE.

Kamakailan, isang DH na nagngangalang Luzel Ramos Rebuyan ang nag-50-50 sa ospital dahil nahulog siya mula third floor ng kanyang pinagtatrabahuhan. Nasa kritikal na kundisyon siya sa ospital. Diumano, matagal na siyang inaabuso ng kanyang amo kaya nagtali siya ng tela na ginawang kapitan para makatakas. Sa kasawiang palad, nalagot ito at siya ay nadisgrasya. Pangalawa na niyang amo ito dahil nauna na siyang tumakas sa kanyang unang amo at nang magsumbong siya sa konsulada ng Pilipinas doon, siya ay ipinasok sa panibagong abusadong employer.

‘Pag galing niya, malamang isasama siya sa daan-daan pang mga DH na nakahimpil sa resource center doon na naghihintay makauwi rito. At ang sitwasyon ng mga nasa resource center ay kamukha rin ng kaso ni Luzel. Marami pa nga sa kanila ang mga pilay o baldado dahil sa pinsalang tinamo sa pagtakas. May ilan pa ngang may diperensiya na sa pag-iisip.

Ang tanong ko lang ay: Bakit ginagawa nang patakaran ng mga opisyales ng DFA at DOLE doon na ipinapasok pa nila sa panibagong abusadong employer ang mga OFW na tumakas na nga sa mga abusadong employer? Kumikita ba sila sa komisyong naiaabot sa kanila?

Mukha ngang kumikita sila. Tulad ng labor attache natin doon na matagal nang inirereklamo ng mga OFW. At hindi na kailangan si VP Binay pa ang lulutas sa ganitong mga problema. Trabaho na ito ng mga hepe ng ahensya.

 

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: omecandazo@yahoo.com

 

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

One thought on “Kakaibang “giyera” sa Kuwait

  1. Ang problema ay ang mga tao sa loob ng embahada mismo at ang mga secretary ng recruitment agency. Kung may tumakas na kasambahay mula sa abusadong employer, agad-agad pupunta ang agency na may hawak sa kasambahay. Dahil sa palakasan makukuha agad ng agency ang kasambahay, at pwede na na maibalik sa amo o di kaya ay ibenta (masakit man sa pandinig) sa bagong amo dahil naghahbol siyempre ang dating amo ng gastos niya mula sa pagkuha sa Pinas. Pag-ayaw na ng dh bumalik sa amo dahil sa ilang kadahilanan wala pang kasiguruhan kung makakauwi ba ng kawawang DH. Dahil sasabihin ng dating amo di natapos ang contrata kaya di niya bibilihan ng tiket syempre di rin palulugi ang agency sasabihin niya sa kawawang kasambahay kung gusto niya umuwi siya ang bibili ng sarili niyang tiket at babayaran pa niya ang amo niya sa gastos niya. kawawang kasambahay iiyak na lng tapos mapipilitang pumasok uli na katulong sa bagong amo kung saan ibebenta siya uli ng agency ng mas mahal dahil may experience na siya. Ang tanong kanino mapupunta ang pera? Ang dating amo babawiin ang ginastos, makikipagbargain ang agency na hindi na maibabalik ang kabuuang halaga sa ginastos maaring kalahati o mas mababa o mas mataas. Ang sobra, tiba-tiba ang agency / secretary kung nagtatable lang siya sa agency. Ngayon sino ang talo? Bakit nga namn pauuwiin ang kawawang dh kung mapagkakakitaan pa siya ng mas malaki. at doble pa siya na pinagkakitaan pwede pang maging triple pag ibinalik siya ng amo.

    Ang ilan namn kung kailan matatapos na ang kontrata ibinabalik ng amo at kung ano ano ang idinadahilan na kesyo hindi ok ang dh pero napakinabangan na nila ng mahigit isang taon at ilang buwan na lang ay matatpos na ang contrata para lamang makaiwas sa pagbili ng tiket at para makakolekta pa ng pera pag nalipat sa ibang amo. Sa mga ganitong isyu laging talo ang mga kasambahay, lalo na kung di pa tapos ang tinatawag na office guarantee, pipilitin talaga siya ng agency na bumalik sa amo at kung hindi ay sasaktan siya, dahil ayaw ng agency na ibalik sa amo ang 100 percent na gastos o binayad sa agency. Malas pa ng kasambahay kung salbahe ang may ari ng agency o mismong mga secretary dahil sasaktan siya, sasampalin at di pakakainin. Di yan sinasabi ng mga OFW na kasambahay dahil sa takot. Pero yan po ang totoo. Ilan lamang talaga ang may puso na secretary sa isang recruitment agency d2 sa Kuwait. Mismong kapwa natin ay busabos na kung ituring ang mga kasambahay na pinagkakakitaan nila ano pa ang aasahan mo sa mga dayuhan? mga dayuhang ang tingin sa mga tinatawag nating bagong bayani ay alipin kung kanilang ituring isang modern slave ika nga.

Leave a Reply

Your email address will not be published.