Kahit propesyunal na lang ang relasyon: Kim at Gerald, apaw pa rin ang kilig factor

SOBRANG MAGIGING MASAYA na naman ang Kimerald fans dahil sa kabila ng mga naglalabasang balita na talagang break na ang kanilang idolong sina Kim Chiu at Gerald Anderson, mayroon pa rin silang pelikulang ipalalabas, ang Till My Heartaches End ng Star Cinema. Marami nga ang humahanga, dahil kahit hindi na raw sweet ang magka-loveteam, napaka-propesyunal nila sa kanilang trabaho, kaya wala talagang naapektuhan ng kanilang diumano’y pagkakalamigan ng trato sa isa’t isa.

Doon mo naman talaga masusukat ang pagmamahal nina Kim at Gerald sa kanilang trabaho. Consistent sila sa kanilang pangangalandakan, na ang showbiz ang bumago sa takbo ng kanilang mga buhay, dahil pareho naman silang sa nakalipas ay mayroong mga pinagdaanang hirap sa buhay. Hindi kayang balewalain ni Kim ang maganda niyang career ngayon kung pamimiliin siya sa career at lovelife.

Ine-enjoy din naman ni Gerald ang kanyang kasikatan ngayon, kaya wala rin sa kanyang bokabularyo na pabayaan ang kanyang trabaho.

Sobra pa rin daw ang kilig factor na mararamdaman sa kabuuan ng bagong pelikula ng magka-loveteam. Pero sa pagkakalamigan diumano ng relasyon ng dalawa, marami ang nag-iisip na baka talagang si Gerald ang may atraso sa Tsinitang aktres, kaya parang trabaho at propesyunalismo na lang ang pagsasama nila ngayon. Pansinin daw, na sa tuwing magkasabay silang iniinterbyu, hindi na tumitingin o sumusulyap si Kim sa mukha ni Gerald.

Magkatabi sila lagi, pero parang deadma si Kim na magtama ang mga paningin nila ng kanyang kapareha.

MAS MAGANDA NA talaga ‘yung ginawa ni Zanjoe Marudo, na habang laging mayroong bagong kaganapan sa buhay ng kanyang ex-girlfriend na si Mariel Rodriguez, iniiwasan muna niyang mag-react kapag kinukulit siyang tinatanong kung ano ang kanyang nararamdaman. Kung dati-rati, parang na kay Mariel ang simpatiya nu’ng katatapos lang nilang maghiwalay, dahil balitang siya ang nang-iwan, ngayon ay marami na ang nakaka-appreciate ng ginawa niyang pananahimik.

Parang bahagi raw ng personalidad ni Zanjoe, na bilang lalaki, hindi siya madaldal.

Nakatulong nga naman iyon sa sitwasyon, dahil habang lumalaylay na ngayon ang mga balita tungkol sa mag-asawang Mariel at Robin Padilla, nahinto na rin ang pangungulit kay Zanjoe ng mga katanungan tungkol sa pupuwede pa niyang maramdaman. Bagkus ay ang humuhusay na niyang pag-akting sa teleseryeng Kristine ng ABS-CBN ang pinupuna sa kanya, pati na rin ang pag-aabang kung kailan ulit siya magkakaroon ng lovelife.

Para kay Zanjoe, hindi porke’t naunsiyami na ang pagmamahalan nila ni Mariel, magmamadali na rin siyang humanap ng bagong karelasyon. Single pa rin daw siya ngayon, at okey lang daw muna na wala siyang lovelife. Kaya hindi pa rin niya kayang magbigay ng mahabang paliwanag tungkol sa closeness nila ngayon ni Cristine Reyes, ganu’n na rin sa pagkaka-link niya kay Bea Alonzo, at sa sa ex-girlfriend ni John Lloyd Cruz na si Miss Liz Uy.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleSarah Geronimo, flop star?!
Next articleMark Herras, itinanggi ang webcam scandal

No posts to display