Kahit humirit na ma-retain: NAPOCOR BOSS, PINASISIBAK! “

“SIBAKIN NA SA p’westo si Napocor President Froilan A. Tampinco upang matuldukan na ang mga kapalpakan at kurapsyon sa aming tanggapan!”

Ito ang panawagan kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ng mismong mga empleyado ng National Power Corporation (Napocor) sa kabila ng pagpapalawig ng Malakanyang hanggang Oktubre 31 sa termino ng mga opisyal na humahawak ng “non-ceso” positions.

Matatandaang mismong sa State Of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ay kabilang ang Napocor sa mga ahensiyang binanggit nito na dapat umanong imbestigahan ng Truth Commission dahil sa mga kahina-hinalang transaksiyon na kinasasangkutan nito.

Dahil sa pahayag ni P-Noy, agad namang nagbigay ng mga dokumento ang mga empleyado kung saan isinawalat ng mga ito ang mahigit kalahating bilyong pisong maanomalyang transaksiyon na kinasasangkutan umano ni Napocor President Tampinco.

Ang nasabing anomalya ay may kaugnayan umano sa pambabraso ni Tampinco na mai-renew ang kontrata ng Napocor  noong Hulyo 25, 2009 sa Aggreko International Power Projects sa halagang humigit-kumulang P600 milyon hinggil sa pag-uupa ng Napocor sa mga Modular Generating Sets na ginamit sa mga lalawigan ng Mindoro, Palawan at Masbate.

Isinasaad din sa nasabing mga dokumento na Enero pa lamang noong 2009 ay sumusulat na kay Tampinco ang ilang Small Power Utility Group (SPUG) upang hilingin na magdaos ang Napocor ng isang makatotohanang bidding kaugnay sa nasabing proyekto ngunit hindi umano ito binigyang-pansin ni Tampinco.

Sa pagkamangha ng mga SPUG, noong Marso 10, 2009 ay bigla na lamang gumawa ng sulat si Tampinco kay David Teng ng Aggreko International Power kung saan sinabi nitong i-extend ang nasabing kontrata para sa tatlong lalawigan hanggang 2010 na hindi man lang nito idinaan sa isang public bidding.

Idinagdag pa ng nasabing mga Napocor employees na ipinagmamalaki pa umano ngayon ni Tampinco na hindi siya kayang sibakin ni P-Noy dahil may tulay umano siya sa isang maimpluwensiyang kamag-anak ni Pangulong Aquino.

Dahil dito, ipinahayag naman ng nasabing mga empleyado na naniniwala pa rin sila sa “campaign slogan” ni P-Noy na “Kung walang kurap walang mahirap” kaya patuloy umano silang umaasa na hindi kukunsintihin ni P-Noy ang mga kalokohan ni Tampinco at sibakin na agad ito.

Si Tampinco ay appointee ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.