Kahandaan sa bagyo ng Caloocan tiniyak ni Recom

TINIYAK NI Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga residente ng lungsod ang kahandaan ng lokal na pamahalaan sa pagdating ng malalakas na bagyo tulad ng sinapit ng bansa kay Gener na nanalasa sa Pilipinas ng halos isang linggo.

Kasabay nito, nagsagawa ng inspeksiyon ang mga tauhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga gamit ng rescue team ng lokal na pamahalaan upang matiyak na sasapat ito sakaling magkaroon ng rescue operation.

Napahanga naman ang mga tauhan ng DILG sa rescue team ng Caloocan City dahil kahit hindi masyadong nakararanas ng matinding pagbaha ang lungsod ay kumpleto ang gamit nito sakaling magkaroon ng operasyon.

Kasabay nito, hinikayat naman ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang mga opisyal ng barangay sa buong lungsod na palaging magdala ng “pito” na siyang magagamit ng mga ito sa pagbibigay ng babala sa mga residenteng kanilang nasasakupan.

Matatandaan na sa unang termino pa lamang ni Councilor RJ bilang pangulo ng liga ng mga barangay sa buong bansa ay pinagdadala na nito ng “pito” ang mga barangay officials na maaaring magamit sa paghingi ng tulong o pagbibigay ng babala.

Ayon kay Mayor Recom, ang pagiging handa ng isang lungsod sa anumang sakuna na maaaring maranasan ay mabisang panlaban sa posibleng magiging epekto nito sa buhay at ari-arian ng mga residente.

Bukod dito, patuloy din ang ginagawang pagsasanay sa mga paaralan at mga barangay upang lalo pang maging handa ang mga ito sa anumang sakuna dahil sa pamamagitan nito ay madali nang malalaman ng mga residente ang kanilang gagawin upang maisalba ang kanilang mga buhay at ari-arian.

Pinakiusapan din ni Mayor Echiverri ang mga residente ng lungsod na dumalo at makinig sa mga gagawing pagsasanay sa mga barangay upang matutunan ng mga ito ang mga nararapat na paghahanda sakaling may malakas na bagyo na mananalasa sa kanilang lugar.

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.