Kagawad, Sinampal ang SK Kagawad Habang Nakapila sa COMELEC

SINAMPAHAN NG physical injury ang isang kagawad ng barangay matapos sampalin ng ID ang SK kagawad nang umalma ang huli dahil sa paniningit ng grupo ng una habang nakapila sa COMELEC upang makapagparehistro sa darating na halalan ng Barangay at SK sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang inireklamo na si Noel Ong, nasa hustong gulang, kagawad ng Barangay 55 ng lungsod.

Sa pahayag ni Emma Ruth Serrano, 20, SK kagawad ng Barangay 28, alas-2:30 ng hapon, nasa unahan nila ng pila ang mga akay na botante ng suspek nang bumuhos ang ulan kung saan kumalas ang mga una sa COMELEC sa A. Mabini St., ng lungsod.

Dahil dito, nauna sa pila ang grupo ng biktima subalit nang tumila ang ulan ay bumalik ang suspek at isinisingit ang mga akay na botante.

Dahil nagtiyaga na mabasa ng ulan ay pumalag si Serrano hanggang sa magkaroon ng pagtatalo.

Naglabas ng ID ang suspek at walang salitang isinampal sa mukha ng biktima na naging dahilan ng kaguluhan hanggang sa dalhin sa Barangay 9 kung saan nakasasakop sa lugar upang pag-ayusin ang dalawang grupo.

Hindi nakipag-ayos ang biktima at tumuloy sa presinto at sinampahan ng nasabing kaso ang kagawad na hindi na sumipot upang magbigay ng kanyang panig.

 (MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.