Kagawad, Pisak sa Truck

KALUNUS-LUNOS ANG sinapit ng dating kagawad matapos magulungan ng Isuzu dump truck na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan na kumakarga ng basura sa may intersection ng Governor Camins at Veterans Avenue sa Zamboanga City.

Base sa ulat ng Zamboanga City police station 5, backrider ng isang XRM motorsiklo ang namatay na biktima na si David Rebatoza, 40-anyos, residente ng San Jose Cawa-Cawa ng lungsod.

Nakilala naman ang driver ng motorsiklo na nasugatan din sa aksidente na si Bernardo Tillah Martinez, 58, kasalukuyang barangay kagawad ng Canelar dito.

Napag-alaman ng mga awtoridad na papunta sana sa may Lumbangan dumpsite ang naturang truck na minamaneho ng isang Ronaldo Santiago Climaco, 45-anyos, upang dalhin ang mga kargang basura habang kasabay naman nito ang motorsiklo ng mga biktima.

Nang malapit na umano sa intersection sa may traffic light ay nakipag-unahan ang motorsiklo hanggang bumangga ito sa truck na nagresulta para mawalan ng kontrol ang motorsiklo.

Dito na nahulog ang namatay na biktima at nang nagka-green light na ang traffic light ay agad umanong umandar ang truck at hindi napansin na nahulog ang biktima kaya mismong sa ulo ng biktima dumaan ang gulong ng truck.

Sugatan naman ang driver ng motorsiklo dahil tuluyan na itong tumilapon sa gilid ng kalsada.

Kaagad namang sumuko sa istasyon ng pulisya ang driver ng truck at kasalukuyang nakakulong habang inihahanda ang pagsampa ng kaso laban sa kanya.

(EUNICE CALMA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.