Kagawad, ex-chairman at estudyante, tiklo sa pot session

HUMANTONG SA kulungan ang tatlong katao na kinabibilangan ng isang barangay kagawad, dating barangay chairman at professor ng isang unibersidad, at isang estudyante makaraang maaktuhan ang mga ito na sumisinghot ng Shabu sa loob ng isang bahay sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Sr. Inspector Amor Cerillo, OIC ng Station Anti Illegal Drug-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng Caloocan City Police Station ang mga naarestong suspek na sina Rodolfo Cabrera, 38, barangay kagawad; Rafael Oxales, 40, negosyante, dating barangay chairman; at Justin Callo, 19, estudyante, pawang residente ng ng Gemini St., Pangarap Viilage ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ni P/Sr. Inspector Cerillo, dakong ala-1:00 ng hapon nang maaktuhan ng mga operatiba ng SAID-SOTG na gumagamit ng Shabu ang tatlong suspek sa loob ng bahay ni Oxales.

Nabatid na tumanggap ng impormasyon ang nasabing tanggapan mula sa isang impormanta na umano ay may nagaganap ng pot session sa bahay ng dating barangay chairman, kung saan naman ay agad na inatasan ni Cerillo ang kanyang mga tauhan na berepikahin kung may katotohanan ang impormasyon.

Kagad na nagsagawa ng surveillance ang mga pulis at nang maging positibo ang impormasyon ay kaagad na sinalakay ng mga operatiba SAID-SOTG ang bahay ng dating chairman at aktong nahuli ang tatlo na gumagamit ng nasabing droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang ilang kagamitan sa pagsinghot ng Shabu at isang plastic na naglalaman ng dalawang maliit na sachet ng nasabing droga.

Ang tatlong suspek ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa section 11 ng RA 9165.

(ROMAN MAGPOC)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.