Kabilang ang Isang Nene 2 Babae na Miyembro ng ‘Bangga Gang’, Arestado

SWAK SA kulungan ang 37-anyos na babae kasama ang isang nene na hinihinalang miyembro ng “Bangga Gang” nang madakip ang mga ito makaraang ireklamo ng isa sa kanilang nabiktima kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Nakapiit ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police at nahaharap sa kasong Theft sa piskalya ng Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek na si Amy Guttierez, dalaga, ng Malibay St., cor. Bayanihan, Pasay City.

Tinurn-over naman sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development Caloocan City si Nena (di-tunay na pangalan), 14, ng Pasay City. Habang tinutugis naman ang isa pang kasamahan ng mga ito na hindi pa nakikilala.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng Victory Mall, Bonifacio Circle Monument, Rizla Avenue ng nasabing lungsod.

Ayon sa biktimang si Jane Galogo, 23, nurse, ng Phase 8, Lot 6, Heritage Homes, Marilao, Bulacan, nasa loob siya ng naturang mall nang biglang banggain ni Guttierez.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagalit si Galogo kung kaya’t sinita nito si Guttierez at nakipagtalo subalit lingid sa kaalaman nito habang nakikipagtalo ay abala naman sa pagbukas ng kanyang bag si Nena.

At nang makuha ang Samsung cellphone ni Galogo na nagkakahalaga ng P7,000, saka ipinasa sa isa pa nilang kasamahan, iniwan na ng mga ito ang biktima.

Dito, napansin ng biktima na bukas ang kanyang bang at nawawala na ang kanyang cellphone dahilan upang humingi siya ng tulong sa pulisya na naging dahilan ng pagkakadakip kina Guttierez at Nena.

Ngunit hindi narekober ang cellphone ni Galogo. Sa halip, ibang unit ng cellphone ang nakuha sa mga suspek na tiyak na nakulimbat ng mga ito sa iba pa nilang nabiktima.

Kaugnay nito, nagbabala naman si Chief Supt. Antonio Decano, NPDO director sa mga mamamayan na maging alisto at mag-ingat kapag nasa labas sila ng kanilang bahay lalo na at nasa loob ng mga mall o pamilihan dahil itong Kapaskuhan, naglipana ang mga masasamang loob gaya ng mga holdaper at snatcher.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.