Kaban ng QC butas: amusement tax, lumiit ng mahigit 55%!

MAHABA-HABANG PAGPAPALIWANAG ANG kakaharapin ni Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa mga palpak nitong alipores partikular ang Office of the Treasurer ng lungsod.

Ito ay nang maipabatid sa Pinoy Parazzi  na halos mahigit 55% ang pagbagsak ng amusement tax ngayong taon kumpara sa nakalipas na panahon.

Sa  Report Collection ng Quezon City Office of the Treasurer na inihanda ni Noel Adrias, Local Treasurer Operations Officer III at may pirma ni Basilia S. Pacis, Head, Financial Ma-nagement Division, lumalabas na nakalikom lamang ng P19,834,747.10 ang nasabing tanggapan para sa amusement tax.

Ang nasabing halaga ay mas mababa ng P24,265,000.67 sa nakolekta noong 2010 na P44,099.747.77.

Dahil dito, marami ang nagtataka sa mala-king halagang nabawas sa koleksyon para sa nasabing pagbubuwis at kumukwestiyon naman kay Acting Treasurer Edgar Villanueva.

Sinasabing inaasahan at normal ang pagtaas sa amusement tax sa QC taun-taon at katunayan nito, mas mataas ang nakolekta noong 2010 kumpara sa sinundan nito noong 2009 na nagkakahalaga lamang ng P27,202,565.42.

Giit pa ng impormante ng Pinoy Parazzi, kaduda-duda ang mahigit 50% decrease sa amusement tax ng lungsod kahit pa ginawang 10% na lang mula sa dating 30% ng nasabing pagbubuwis na epektibo January 2010.

Apela naman ng mga taga-lungsod na agad pagpaliwanagin ang Office of the Treasurer na pansamantalang pinamumunuan ni Villa-nueva.

Samantala, ipinaliwanag ni Villanueva na kaya bumaba ang nakoleksyon sa naturang tax ay dahil epektibo na ang 10% amusement tax habang kaunti na lamang ang nagsasagawa ng show sa Quezon City, dahil mas pinipili ng mga event organizer ang Mall of Asia sa Pasay City.

Samantala, ilan naman ang nanawagan sa BIR na busisiing mabuti ang ulat ng tanggapan lalo na’t panahon na naman ng bayaran ng buwis.

Panawagan pa ng QC residents, dapat ding iparamdam ng BIR sa Quezon City ang kanilang pangil gaya ng paghahabol nila kay Ang Galing Pinoy Rep. Mikey Arroyo na kinasuhan ng tax evasion. (PARAZZI INVESTIGATIVE TEAM)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.