Justin Bieber, tuloy na tuloy na ang concert sa ‘Pinas!

PINAG-UUSAPAN NGAYON ANG pagsugod ng isang misis sa Market, Market kamakailan, dahil tinitiktikan pala nito ang kanyang mister na that time ay kasama ang kerida nitong mas seksi sa kanya.

Ang ginawa ni misis, pinatutukan niya ng videocam sa kasama niya ang gagawin niyang eksena, kaya na-shock na lang ang kanyang mister nang biglang mahuli sila sa mall ng kabit.

Nahablot ni misis ang kabit, pero ito’y nakapiglas agad, tumakbo patungong escalator na maraming taong nakasakay.  Habulan pagbaba ng escalator.

Nahablot na naman ni misis ang buhok ng kabit at nakakalokah na ang sumunod na eksena. Tinadyakan, pinagsasabunutan at kinaladkad ni misis ang kabit.

Walang nagawa si mister kundi ang awatin ang dalawang babae, pero kawawang-kawawa na talaga ‘yung kabit. Kahit ang mga guwardiya ay wala ring nagawa ang pag-awat.

Ayun, sa wakas, nakapiglas ang kabit at nagtatakbo para hindi na maabutan ni misis.

‘Wag n’yo nang alamin kung sinu-sino ito, dahil hindi naman sila artista. ‘Yan lang ang kumalat na video sa Facebook at sa YouTube.

NALOLOKAH KAMI, HINDI namin alam kung mapapadali ang annulment nina Kris Aquino at James Yap gayong okay na okay naman sila ngayon bilang parents ni Baby James.

Si Kris pa ang nagbida na pumayag si James na makunan ang likod nito since nasa Australia pa si Diether Ocampo, eh minamadali na nga ang pagtatapos ng Dalaw dahil nga Filmfest entry ito.

Paano nga kaya ito sa korte, ‘no? Okay naman pala ang parents, tapos, heto’t gusto nilang maghiwalay? May bearing kaya sa kaso na mas bongga kung super friends ang dating mag-asawa para mapadali ang annulment?

Itatanong nga namin ito sa lawyer.

TULOY NA TULOY na pala talaga ang May 10 concert ni Justin Bieber dito sa ‘Pinas. Sa MOA siya magsi-show. Eh, ‘yung kay Taylor Swift, sold out na ang Feb show nito.

Tapos, ang nakakalokah pa, come April 2011, darating din daw si Celine Dion dito to do a concert at the Araneta Coliseum!

Ang taray, ‘di ba?

Nakakalokah ang mga balitang naghihirap na ang ‘Pinas o ang mga Pilipino, pero pinupuno naman ng mga Pinoy ang mga concerts ng mga dayuhang artists.

‘Yan ang Pinoy. ‘Pag gustong gumastos, gagawa at gagawa ng paraan para makuha lang ang kanilang happiness.

Hindi po kami nagpo-promote ng Enervon C, ha?

Happiness!

SA DECEMBER 18 na ang grand finals ng Showtime at ewan kung saan ito gaganapin. Kaya pukpukan at puspusan din ang paghahanda ng mga hosts, dahil kani-kaniyang pasikatan ang kanilang gagawin.

Si Vice Ganda halimbawa, hindi mo puwedeng istorbohin ‘pag “nagme-meditate,” dahil talagang dibdiban ang bakla kung mag-isip ng kanyang ipapasikat na sampol.

Anyway, ‘yan ang ating abangan.

Oh My G!
by Ogie Diaz

loading...

3 thoughts on “Justin Bieber, tuloy na tuloy na ang concert sa ‘Pinas!

Leave a Reply

Your email address will not be published.