JUETENG SA PAMPANGA PINABUBUSISI SA PCSO

SA GITNA NG nakaambang pagsimula ng tinatawag na “Loterya ng Bayan,” kaagad na nanawagan ang mga residente ng Pampanga na dapat umanong busisiin muna ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa lalawigang ito upang matiyak na ang makakakuha ng panibagong prangkisa ay hindi mga mandaraya.

Ang nasabing panawagan ay kaugnay sa kasalukuyang operasyon ng “Jueteng” dito sa Pampanga kung saan ipinagpi-pilitan ng operator nito na legal ang nasabing operasyon dahil hindi umano ito jueteng kundi STL.

Gayunman, kung susuriing mabuti ay sa pangalan lamang umano ito matatawag na STL pero hindi naman talaga sumusunod sa mga patakarang itinatadhana ng PCSO gaya ng uniporme at ID ng mga bet collector at higit sa lahat ay ang paggamit ng mga resibong opisyal mula sa PCSO at hindi yung mga gawa-gawa lamang ng mga gambling lord.

Napag-alaman din ng Parazzi Investigative Team na ang nasabing opisyal na resibo ng PCSO ay mahalaga upang madetermina ang tunay na halaga ng mga “taya” para naman mai-remit sa pamahalaan ang porsiyentong nararapat.

Ipinaabot din ng mga nagrereklamong residente na kung sakali mang may prangkisa nga sa STL ang kasalukuyang operator ng sugal dito, hindi naman ito sumusunod sa mga patakaran ng PCSO gaya ng paggamit ng tunay na resibo at pagre-remit ng porsiyento, kaya maliwanag umanong iligal pa rin itong maituturing kaya nararapat lamang na siyasatin na ito ng pamahalaan. (Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.