JUETENG SA ISABELA, TALAMAK

NAGSISILBING INUTIL ANG direktiba ng mga opisyal ng Philippine National Police hinggil sa umano’y hindi nila kayang patigilin ang talamak na operasyon ng iligal na Jueteng na ang tanging isinasangkalan nila ay prangkisa na galing sa PCSO ng Small Town Lotery sa probinsiya ng Isabela na umano’y ipinatutupad ng isang maimpluwensiyang bise-alkalde, isang Intsik at iba pang iligalista. Ito ang napag-alaman ng Pinoy Parazzi sa mga opisyal ng barangay at mga mamamayan sa mga bayan-bayan sa naturang lugar.

Nabatid na isang nagnga-ngalang Vice Mayor Bentot Panganiban at sina Tony Ong, Kapitan Rafael Martinez at Jojo Casabar ang mga namamayagpag na nagpapatupad ng nabanggit na iligal na sugal na Jueteng sa ikatlo at ikaapat na distrito sa nabanggit na probinsiya na umano’y nagsisilbing binibigyan sila ng proteksiyon nina PNP Region 2, Regional Director Francisco Villaroman , PNP Provincial Director S/Supt. Jommy Rivera at Santiago City Director S/Supt. Sevirino Abad Jr. kapalit ang lingguhang limpak-limpak na perang payola sa kanila.

Nabatid pa na pati ang mga hepe ng pulisya sa mga bayan-bayan sa nabanggit na probinsiya ay kontrolado ng mga nabanggit na gambling lord kapalit din umano ang ilang porsyento sa kubransa ng kanilang kabo at kubrador araw-araw upang hindi sila manghuli sa kanilang mga tauhan.

Ang masaklap pa sinumang hepe ng pulisya na makikialam sa kanilang iligal na Jueteng ay agad pasisibak sa puwesto bilang hepe ng pulis nina Panganiban at Ong, sa halip na sibakin sila kapag nahulihan silang talamak ang Jueteng sa kanilang hurisdiksyon. Kaya kabaligtaran na ang nangyayari ngayon sa mga kapulisan sa nasabing lugar.

Hindi rin umano kayang ipatupad ang ‘one strike policy’ ng PNP ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo sa kanyang mga opisyal sa nabanggit na lugar gawa ng may tinatanggap din umanong limpak-limpak na perang payola na nagmumula sa Jueteng, ito ang laging pinangangalandakan ng mga tinutukoy na gambling lord.

Ganu’n din, hindi kayang pahintuin umano ng mga nabanggit na opisyal ang talamak na operasyon ng video karera at fruits games ng nina Norma Bautista at ‘Clyde’ sa lalawigan ng Isabela gawa ng nagsisilbing kontrolado rin niya ang mga ito at agad din silang masisibak kapag pinakialaman ang mga iligal na hanapbuhay ng mga ito.

Ilang mga magulang na ang nagrereklamo sa himpilan ng pulisya at mga tanggapan ng mga alkalde at mga government officials dahil nalululong na ang kanilang mga anak sa kanilang video karera, na hindi inaaksyunan ng mga ito upang hindi mawalan ng lingguhang payola.

Nais manawagan ang mga opisyal ng mga barangay at mga residente sa lugar kay PNP Chief Director Gen. Bacalzo at sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government na ipatupad ang ‘one strike policy’ ng PNP at paimbestigahan ang mga nabanggit na opisyal ng pamahalaan. At kung mapatunayang kabilang sila sa mga tiwali sa gobyerno ay sibakin at patalsikin kung kinakailangan upang hindi masira ang magandang imahe sa probinsiya ng Isabela. (Pinoy Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.