JUETENG AT VK, TALAMAK SA 25 BAYAN SA ISABELA

HINDI LAMANG OPERASYON ng iligal na sugal na Jueteng ang talamak sa Isabela. Maging ang Video Karera (VK) at Hataw ay laganap din, at may dalawampu’t limang (25) bayan ng probinsyang ito ang may operasyon ng mga nabanggit na iligal na pasu-galan.

Ito ang nakalap na impormasyon ng Pinoy Parazzi mula sa mismong mga barangay officials at mga mamamayan sa iba’t ibang bayan sa nabanggit na lalawigan.

Ayon sa ulat, P2,000 kada linggo ang ibinibigay umano ng dalawang operator ng VK sa bawat isang bayan kina Cagayan Valley PNP Regional Director C/Supt. Francisco Villaroman at Provincial Director S/Supt. Jimmy Uy Rivera na umaabot sa P50,000 kada linggo bawat isa sa kanila, bukod pa ang para sa mga hepe ng pulisya at mga alkalde sa kani-kanilang nasasakupang bayan.

Ang mga bayan na tinutukoy na talamak ang iligal na mga pasugalan ay ang Santiago City, San Mateo, San Ramon, Echague, Gordon, Roxas, Ilagan, Cauayan City, Alicia, Jones, San Agustin, Anagandacan, San Manuel, Cabatuan, Naguillan, San Isidro, Reina, Mercedes, Benito Soliven, San Mariano, Gamu, Aurora, Mallig, Cabagan at Tumauini.

Ayon sa sumbong ng mga nasabing opisyal ng barangay, ang mga operator ng mga nabanggit na iligal na pasugalan ay nakilalang sina Norma Bautista at isang nagngangalang Clyde ng Metroville na umano’y mga protektado nina Rivera at Villaroman.

Dahil sa laganap na operasyon ng mga iligal na aktibidades sa nabanggit na mga bayan kaya nananawagan ang mga residente rito kay PNP Chief Dir. General Raul Bacalzo at sa tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magsagawa na sila ng kaukulang aksyon na imbestigahan ang mga nabanggit na nakatalagang opisyal ng kapulisan at mapatalsik na rin ang mga ito sa puwesto upang matigil na ang talamak na pasugalang nabanggit.

Kaugnay rito, busog na busog na rin umano itong si Villaroman sa mga tinatamasang payola na ibinibigay sa kanya ng mga tauhan ng isang Roger Carlos na nagpapatupad ng iligal na sugal na Jueteng at STL sa mga lalawigan ng Quirino, Tuguegarao, Nueva Vizcaya, at Isabela.

Napag-alaman pang kakuntsaba umano ni Villaroman ang kanyang mga PNP provincial director, city director at mga hepe ng pulisya sa kanyang mga nasasakupang lugar, kaya pati sila ay busog na busog na rin sa mga pinamumudmod ng nabanggit na salot sa lipunan na iligalistang malapit umano sa administrasyong Aquino.

Labis na pinagtatawanan na ang liderato ni PNP Chief Bacalzo ng mga mamamayan sa mga nabanggit na lugar gawa ng hindi nito naipatupad sa kanyang mga nabanggit na opisyal ng PNP ang “one-strike policy” na noon ay kinatatakutan ng mga opisyal na agaran nilang ikasisibak sa puwesto.

(BEN DE GUZMAN)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.