Jueteng at loterya ang bumabaterya Meridian, iniipit ni De Lima

UMALMA KAHAPON ANG Meridian Vista Gaming Corporation sa patuloy na pagbabale-wala nina Justice Secretary Leila De Lima at DILG Secretary Jesse Robredo sa naunang desisyon ng mababang hukuman at maging ng Court of Appeals na ligal ang operations ng gaming firm at hayaang manatili ang betting stations nito sa labas ng Cagayan Economic Zone habang binubusisi pa ng Korte Suprema ang isyu para sa pinal na desisyon.

“Martial law na ba? Bakit hindi iginagalang ng pamunuan ng DOJ at DILG ang hatol ng korte at CA hinggil sa ligalidad ng betting stations ng Meridian? Bakit hindi nila i-observe ang status quo habang dinidinig pa ng Mataas na Hukuman ang usapin?” Tanong ng management ng gaming firm sa pamamagitan ng kani-lang spokesman na si Raul Banderas.

Sinabi ni Banderas na sa desisyon ng Court of Appeals CA-GR SP No. 115304 ay nakasaad ang husga nitong “ligal ang Jai-alai games ng Meridian sa economic zone ng Cagayan, maging ang betting stations nito sa labas ng CEZA kung kaya’t dapat igalang at hindi dapat abalahin ng kapulisan ang naturang business operations.”

“Ang hatol ng CA na pumapabor sa Meridian ay iniapela at kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema kaya dapat lang na lahat ng interested parties sa usapin, tulad ng DOJ, DILG at PNP, ay mag-observe ng status quo bilang respeto sa Mataas na Hukuman,” pagdidiin ng spokesman ng gaming firm.

Ayon pa kay Banderas, hindi umano kinukuwestiyon ng Games and Amusement Board ang ligalidad ng Meridian operations taliwas sa mga inilathala ng ilang national broadsheets na umano’y sinusubuan ng maling impormasyon ng mga naghahangad na mapatigil ang operasyon ng ligal na Jai-alai games.

“Ang iginigiit lamang ng GAB sa kanilang reklamo sa Court of Appeals ay ang mapanaig ang kanilang sinasabing supervisory and regulatory powers sa natu-rang gaming operations ng Meridian,” paliwanag ni Banderas.

Ayon pa kay Banderas, ikinabahala rin ng Meridian management ang timing ng panggigipit sa kanila nina De Lima, Robredo at ng kapulisan dahil itinaon umano ang pagpursige ng mga ito na mapahinto ang kanilang operations sa panahon ng muling pamamayagpag ng Jueteng at ng nakaambang paglunsad ng Loterya ng Bayan na kilalang dating Small Town Lottery o STL.

“Alam ng publiko na ang STL ay front lamang ng iligal na Jueteng kaya pinagtatakpan ng mga kinauukulan ang katotohanang mismong mga Jueteng lords o kanilang mga dummy ang nakatakdang mabibigyan ng lisensiya para mag-operate ng bagong loterya,” pagtatapos na pahayag ni Banderas, na nagsabi pang naniniwala umano ang loterya operators na banta ang Jai-alai games ng Meridian sa kanilang iligal na hanapbuhay. (Parazzi Reportorial Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.