Judy Ann Santos, kasado na ang pamamahinga sa showbiz

ANG UNANG TAO na nanghihina-yang sa nasisirang friendship ngayon nina Mariel Rodriguez at Toni Gonzaga, ay si Mommy Pinty Gonzaga. Bilang isang ina na laging gumagabay sa kanyang anak, alam ni Mommy Pinty kung gaano ang pagpapahalaga ng kanyang anak sa pagiging magkaibigan nila ng misis ni Robin Padilla. Naaawa si Mrs. Gonzaga sa kanyang anak, dahil sa kagustuhan ni Toni na magsikap na magkatrabaho at sumikat sa showbiz, konting-konti lang naman halos ang mga naging kaibigan ng kanyang anak, isa ang ex-girlfriend ni Zanjoe Marudo sa kokonting naging malapit na kaibigan na sobrang pinahahalagahan dati ng girlfriend ni Direk Paul Soriano.

Wala namang magagawa si Mommy Pinty kundi ang alalayan lang muna ngayon si Toni sa sitwasyon nito ngayon, na mas gusto munang manahimik habang mainit pa ring pinag-uusapan sa showbiz ang pagkasira ng friendship nila ni Mariel. Sa loob daw ng kanilang bahay, hangga’t maari ay ayaw ni Mrs. Pinty na mapag-uusapan ang tungkol sa iringan ngayon ng kanyang anak at ng alaga ni Kuya Boy Abunda, dahil halata raw nila na sobra pa ring nasasaktan ang sister ni Alex Gonzaga sa mga nangyayari.

Inirerespeto raw ni Mommy Pinty kung ang gusto talaga ngayon ni Toni ay huwag nang mapag-usapan pa si Mariel habang sariwa pa ang pinag-ugatan ng kanilang away. Wika ni Mrs. Gonzaga, alam daw niyang nasasaktan ngayon ang kanyang anak, kung papaanong dahil itinuring na rin niyang parang anak si Mariel, kaya siya rin daw ay sobrang nagulat sa bilis ng mga pangyayari at nasasaktan, dahil malungkot kung mayroong mga pagkakaibigan na nawawasak ng intriga sa showbiz.

KAHIT NAMAN KASADO na ang planong huminto muna si Judy Ann Santos sa kanyang pag-aartista pagkatapos niyang makapanganak, okey lang naman iyon. Isang taong nasa plano kung hanggang kailan muna siya magpapahinga sa showbiz, na ibig sabihin ay wala muna siyang gagawing teleserye o pelikula. Kasi nga, magiging tutok muna siya sa pagpapalaki ng isisilang niyang baby, dahil ayaw nila ng kanyang husband na si Ryan Agoncillo na lumaki ang kanilang anak sa pangangalaga ng yaya nito.

In fairness kasi sa pamilya nina Juday, mahilig sila sa pag-aalaga ng mga bata. Ganu’n din naman ang pamilya nina Ryan, na mahilig sa mga bata. Kaya napakasuwerte ng kanilang magiging baby, dahil tulad ng kanilang panganay na si Yohan, matututukan nila ang pagpapalaki. Kahit magpahinga si Juday ng isang taon, walang dapat ipangamba, kasi nga, napaka-responsableng tao ng kanyang husband. Tuluy-tuloy lang ang pasok ng perang kikitain para kay Ryan, dahil bukod sa hataw naman siya sa dami ng programa sa telebisyon, mayroon pa siyang negosyong hindi konektado sa showbiz.

Naging malapit din kami dati kay Tito Alfie Lorenzo, kaya nakikita at nasundan namin ang pagiging magkarelasyon nina Juday at Ryan hanggang sa maging mag-asawa na sila. Napakaganda ng kanilang respetuhan sa isa’t isa. Napakadakila ni Ryan, dahil alam niyang young superstar ang kanyang pinakasalan. Alam na alam niyang napakaraming nagmamahal na mga tagahanga kay Juday, kaya tinapatan talaga niya ng todo-todong pagmamahal ang pagiging mabait na anak at sikat na artista ng alaga ni Tito Alfie.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.