JPE, tahasang itanggi ang Pork Scam

SINAGOT NA ni Senate minority leader Juan Ponce Enrile ang kinakarahap na kasong plunder sa Office of the Ombudsman, at pinabulaanan nito ang mga nasabing paratang hinggil sa pagkakasangkot sa kontrobersiyal na multi-bilyong pisong pork barrel fund scam.

Ayon kay Enrile, mismong ebidensya ng pamahalaan ang nagsasabi na hindi siya nag-endorso o lumagda sa kahit anong NGO na diumano ay dawit sa tinatawag na PDAF Scam, konektado man o hindi sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sinabi pa ng mambabatas na ang tanging papel lamang niya at ng kanyang opisina sa buong proseso ay ang tukuyin ang bawat proyekto na hinihingi ng mga opisyal ng lokal na gobyerno para mapondohan sa ilalim ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Ang nabanggit na pamamaraan, ayon pa rito, ay naaayon sa kasalukuyang mga batas at patakaran na kinasanayan na ng lahat ng mambabatas.

Inihayag pa niya na hindi nararapat ang paghahabla sa kanya dahil sinusunod lamang niya ang batas at ang mga itinakdang regulasyon.

Binanggit din niya na sa kabila ng impresyon ng karamihan, tungkulin ng implementing agency ang pagtatalaga ng mga NGO at ang pagsasakatuparan ng mga proyekto.

Aniya, minsan nang nasabi ng Kataas-taasang Hukuman na kontrolado ng Ehekutibo ang paglabas ng pondo, hanggang sa aktwal na paggastos ng pondo para sa proyekto, kung saan aniya, kapag may kontrol, dapat may pananagutan.

Idineklara at inamin mismo ng Commission on Audit (COA) na bawal ipagkatiwala o ipasa ang mismong tungkulin na ito sa mga mambabatas, pahayag pa ni Enrile.

Itinanggi rin ng senador ang teorya ng pamahalaan na baka hinikayat niya diumano ang implementing agency o ang NGO na waldasin ang PDAF.

Binanggit niya na ayon mismo sa mga whistleblower na sina Merlina Suñas at Benhur Luy, ang mga dokumento na tila nag-uugnay sa kanya o sa kanyang mga staff ay pawang pineke at palsipikado.

Sinabi pa nito na hindi niya personal na kilala ang mga opisyal ng implementing agency na kasangkot, at ni minsan hindi niya nakilala si Ginang Napoles o nakapunta man lang sa anumang pagtitipon nito.

Kahit pa ang mga whistleblower ay nagpapatunay na hindi siya, o maging sinuman sa kanyang staff, ang nakapunta sa opisina ng negosyante, dagdag pa nito.

Inihayag pa ni Enrile na walang kahit anong ebidensya na nagpapatunay na siya ay kasabwat ng mga ito.

Iginiit pa nito na walang testimonya o kaya’y dokumento na nagsasabing may natanggap siyang komisyon o lagay.

Sinabi ng senador na mismong si Luy ay nagbanggit na wala siyang personal na kaalaman sa mga nilalaman ng kanyang talaan, at binabase lamang ito sa mga utos ni Napoles.

Samantala, tanging hiling ni Enrile na sa kabila ng mga akusasyon laban sa kanya, na maging patas ang paglilitis sa naturang kaso, na katotohan lamang, at hindi mga personal na galit sa kanya, ang tanging basehan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.