JPE, Jinggoy at Bong ikinanta ni Napoles

IKINANTA NI Janet Lim-Napoles partisipasyon nina Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na una nang kinasuhan ng plunder sa Ombudsman, sa multi-billion peso na pork barrel scam.

Kinumpirma ito ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima matapos makausap nitong Lunes ng gabi binansagang reyna ng pork barrel scam. Gayunman, tumanggi nang magdetalye ang kalihim sa mga pinag-usapan nila at maging sa nilalaman ng sworn affidavit ni Napoles.

Sa pahayag ni De Lima sa media kahapon, napakarami umanong ibinunyag ni Napoles sa kanilang paghaharap. Pero naniniwala siyang mas marami pang impormasyon ang makukuha nila kaya haharap pa muli ito sa National Bureau of Investigation (NBI) investigators at mga kinatawan ng DOJ.

Paliwanag ni De Lima, bahagi ng kasunduan nila ng kampo ni Napoles na hindi isasapubliko ang nilalaman ng affidavit nito, hangga’t hindi natatapos ng DOJ at NBI ang pag-evaluate sa sinumpaang salaysay nito.

Kinumpirma rin ni De Lima na gustong maging state witness ni Napoles sa pork barrel scam. Pero ayon sa kalihim, ang pagiging state witness ni Napoles ay magdedepende sa evaluation sa mga testimonya nito at ang Ombudsman ang magdedetermina kung tatanggapin na testigo ang itinuturong mastermind sa paglustay ng P10 billion na pork barrel fund sa pamamagitan ng mga pekeng non-governmental organizations (NGOs) nito.

May kundisyon umanong ibinigay si De Lima kay Napoles bago maging state witness gaya ng pangalanan ni Napoles ang lahat na sangkot sa PDAF scam, huwag makipag-usap sa iba at walang commitment mula sa gobyerno na tatanggapin ito bilang testigo.

Ayon pa sa kalihim, may mga isinumite ring documentary evidence si Napoles kaugnay sa pork barrel scam.

Banta sa seguridad umano ang dahilan ni Napoles kung bakit nito gustong maging state witness.

Ayon pa kay De Lima, mismong si Napoles umano ang humiling na mag-usap sila. May basbas umano ng Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pakikipag-usap ng kalihim kay Napoles, kung saan pinayuhan pa raw siya ng Pangulo na pakinggan ang mga sasabihin ng pork barrel scam queen.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.