JPE, ‘babaero pero hindi magnanakaw – misis

“SUSPICIONS OF a wife, suspicions.”

Ito ang simpleng paliwanag ni Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile sa rebelasyon ng kanyang asawang si Cristina Ponce-Enrile na pagkakaroon umano nila ng relasyon ng dating chief-of-staff na si Atty. Gigi Reyes.

Sinabi pa ni Enrile na wala siyang kaalam-alam na magpapa-interbyu ang misis tungkol sa nasabing isyu.

Sa isang panayam sa isang programa sa telebisyon, tahasang kinumpirma ng asawa ni JPE ang relasyon ng mister at ng chief-of-staff nito.

Ayon kay Cristina, marami pang ibang babaeng naging karelasyon ang asawa ngunit tanging kay Reyes lang ang nagtagal. Napilitan umanong mag-alsa balutan ni Cristina at bumiyahe patungong Amerika at nagdesisyong makipagdiborsiyo sa mister ngunit mariing tumanggi si Enrile.

Nai-report pa sa Chicago Tribune sa US ang pag-aalsa balutan ni Cristina dahil sa kaliwa’t kanang umano’y pambababae ng mambabatas.

Aniya, paulit-ulit namang itinanggi ni JPE na may relasyon sila ng kaniyang chief-of-staff.

Nilinaw ng ginang na higit pa sa matalik na kaibigan ang turingan nila ngayon ng mister kahit hindi na sila nagsasama sa iisang bahay. Humupa na rin aniya ang relasyon nina Enrile at Reyes na kinalaunan ay sumentro na lang sa trabaho ng mga ito.

Maaalala na sa kasagsagan ng nasabing isyu ng pamamahagi ng mambabatas ng karagdagang pondo para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) sa umano’y ilang piling senador, ipinagtanggol ito ni Reyes sa pamamagitan ng isang panayam.

Dito na tahasang binatikos ni Reyes si Sen. Alan Peter Cayetano na siyang nagsiwalat sa talumpati nito sa Senado ng pamamahagi ni Enrile ng karagdagang pondo. Tinawag pa nitong ipokrito si Cayetano, bagay na hindi ikinatuwa ng senador. Nagbunsod ito para magbitiw si Reyes bilang chief-of-staff ni JPE.

Samantala, naging mainit muli sa mata ng publiko ang sinasabing relasyon ng mambabatas at ni Reyes sa kasagsagan ng PDAF scandal. Parehong nahaharap ang dalawa sa kasong plunder hinggil sa multi-bilyong PDAF at Malampaya Fund scam.

Base sa pagbubunyag ng idinadawit din sa pork scandal na si Ruby Tuason, si Reyes ang personal na tumatanggap ng kickback ni JPE mula sa PDAF scam.

Lumalabas din sa pagbubunyag ng mga whistleblower na isa si Enrile sa mga mambabatas na kasabwat ni Napoles na nagpasok ng pork barrel o priority development assistance fund (PDAF) sa mga pekeng non-governmental organization nito.

Ipinagtanggol naman ni Cristina ang mister sa usapin ng naturang scam. Aniya, hindi ito magnanakaw at wala rin aniyang katotohanan ang paratang tungkol sa pagkakadawit umano nito sa smuggling sa Cagayan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.