Jomari Yllana, No Time For Ronald Singson

NAHANAPAN TULOY NG butas ng mga kakontra ni Jomari Yllana ang kawalan niya ng panahon para dalawin sa Hong Kong ang kanyang kaibigan at business partner na si Cong. Ronald Singson. Maganda raw ang kanyang sinasabi tungkol sa kanilang pagiging magkaibigan ganoon din sa kahalagahan ng pagsasama nila sa negosyo. Pero marami ang nabababawan sa kanyang mga sinasabi. Puro salita lang daw, samantalang kung tunay kang kaibigan na nagpa-pahalaga sa mabigat na problemang pinagdaraanan ng kaibigan mo sa ibang bansa, ay gagawa ka ng paraan para masuportahan mo siya kahit man lang sa salita.

Para raw laging sobrang abala si Jomari. Pinagtataasan din ng kilay kung sobra bang asensado ang kanyang mga negosyo para hindi na siya mahagilap? Kaya raw hindi na nakapagtataka kung bakit paulit-ulit na lang ang isyu na nawawalan din siya ng panahon sa anak niya kay Aiko Melendez na si Andrei.

In fairness din naman kay Jom, lagi niyang sinasabi na babawi na lang siya kay Andrei. Ilang ulit na rin kasing sa interbyu sa dating konsehalang si Aiko ay sinasabi nito na dapat naman daw ay magkaroon ng panahon si Jomari kay Andrei.

Sobra raw nanahimik si Jomari sa kontrobersiyal na kasong kinasangkutan ni Ronald, kaya meron tuloy naghihinala na baka bago nangyari ang pagkakaaresto rito sa Hong Kong noon, nagkaroon sila ng alitan bilang magkaibigan. Marami tuloy ang nag-aabang kung sa pagbabalik ni Singson sa Pilipinas, kapag nakalaya na siya, magiging ganoon pa rin kaganda ang samahan nila ni Jom at kung maging partner pa rin sila sa negosyo.

PUWEDENG SABIHIN NA sa ngayon ay hindi bongga ang movie career ni Philip Salvador, lalo pa’t hindi nga masyadong patok ang mga pelikulang aksiyon kung saan doon umangat ang pagiging artista ni Kuya Ipe. Pero isa na si Salvador sa mga artistang lumaki ang pangalan sa showbiz katulad nina Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., Sen. Lito Lapid at ng yumaong sina Fernando Poe, Jr. at Rudy Fernandez na inirespeto sa mahusay nilang pakikisama sa mga kasamahan sa movie industry, mula sa kapwa mga artista, mga trabahador sa pelikula at mga manunulat sa showbiz.

Nakapagtanim na si Philip ng totoong pakikisama, kaya nakuha niya ang respetong dapat iukol sa kanya. Nitong huli, usap-usapan sa showbiz na ang kapatid sa ama ni Kuya Ipe na si Alona Alegre, na umano’y sobrang kakaiba na raw ang hitsura sa sobrang kapayatan ay parang buto’t balat na. Marami sa showbiz ang may gustong ilantad ang hitsura ngayon ng dating sexy actress na nung kanyang kasikatan ay isa sa mga Diyosa ng kagandahan sa showbiz. Hindi pa noon uso ang mga pagpaparetoke ng kagandahan at pagke-claim na sila ay flawless, pero ang katangiang iyon ng kagandahan ay si Alegre ang may hawak.

Bilang respeto kay Philip ay marami ang nagdadalawang-isip na iharap ngayon sa kamera si Alona para makita ang kanyang hitsura. Iniisip nila kung ano ang mararamdaman ni Kuya Ipe na napakabuting makisama kanino man para sugatan ang kanyang damdamin. Maging si Alona rin nung visible pa siya sa showbiz ay mabait din, pati ang kanilang kapatid na si Kuya Ramon Salvador.

NAKIKIRAMAY PO KAMI sa mga naulila ng yumaong DZME lady broadcaster na si Marlina “Len” Flores-Sumera. Nakakabatian ko siya dati sa radio station ng isang publication na pinagsusulatan ko sa Ortigas, at sumasalang din dati si Ate Len sa radio program ni Ambassador Roy Zeneres sa l3l4 KHZ DWXI Prayer Partners Foundation ng El Shaddai. Masarap pakinggan si Ate Len, dahil malaki, malinaw at maganda ang bitaw ng kanyang boses.

Maluwalhating paglalakbay, Ate Len!

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

One thought on “Jomari Yllana, No Time For Ronald Singson

  1. Pingback: Lastest Hindi Movie News | Spinner News

Leave a Reply

Your email address will not be published.