John Prats, ‘di pa pormal ang relasyon kay Isabel Oli

SA INTERVIEW namin kay John Prats kamakailan sa ASAP 2013, klinaro nito na wala pa silang pormal na relasyon ni Isabel Oli. Lumalabas sila at alam niya na alam ng aktres ang nararamdaman niya para rito, pero wala pa silang napag-usapan na sila na talaga o may anibersaryo sila gaya ng karaniwang mga magkarelasyon.

Kasama niyang nagselebra ng kanyang kaarawan nu’ng nakaraang February 14 kasama ang buong pamilya at ilang malalapit na mga kaibigan, ramdam namin ang saya at kilig sa aktor. Sabi nga niya, sana nga ay si Isabel na ang tamang babae para sa kanya dahil pagod na rin siya sa mga relasyon na nauuwi sa break-up.

Tiyempo naman dahil kung si John ay gusto na ng isang relasyon na mauuwi sa pagpapamilya, sa pagkakaalam namin ay ganito na rin ang gustong relasyon ni Isabel dahil nasa tamang edad na rin naman ito para magpakasal at bumuo ng sariling pamilya.

 

SA UNANG pag-uwi pa lang ni BB Gandanghari galing America mula sa matagal-tagal din nitong pamamalagi roon, naging issue na kung may balak ba itong magpa-sex change. Nahingan namin ng komento tungkol dito si Mommy Eva Cariño Padilla at ayon nga sa butihing ina ni BB, nangako sa kanya ang anak na ‘di ito magpapa-sex change at naniniwala siya na tutuparin ng anak ang binitawan nitong pangako sa kanya.

Nanahimik ang nasabing isyu pero nabuhay muli ito nang bumalik ng America si BB at nagbalik-bansa kamakailan. Sa nasabing interviews ni BB, inamin nito na nasa una na siyang hakbang para magpa-sex change at ito ay ang pagkonsulta sa isang psychologist. Sa mga pahayag ni BB, mukhang desidido na nga itong sumailalim sa nasabing operasyon.

Sa panayam ng Cinema News kay Mommy Eva, nagbigay-pahayag ito na maiintindihan at susuportahan niya kung magpapabago nga ng kasarian ang anak, pero kung siya ang tatanungin ay hindi siya sang-ayon dito.

Sa interview naman namin kay BB, sinabihan na niya ang ina na huwag na muna nitong masyadong isipin dahil hindi naman ito mangyayari bukas at alam niya na naintidihan na ito ni Mommy Eva. Nagbigay kasiguraduhan si BB sa ina na pagkatiwalaan lang siya nito dahil isa itong desisyon na pinag-iisipan niyang mabuti bago niya gawin.

Nang tanungin namin na ipinagako niya kay Mommy Eva na hindi siya magpapa-sex change, nagsabi si BB na napapako ang ilang mga pangako pero alam niyang maiintindihan siya ng ina.

Pokus at abala ngayon sa rehearsal para sa stage play na Halik ng Tarantula, excited at proud si BB sa ginagawa dahil bukod sa napakaganda ng istorya ng play na ito, akma ang mga napili nilang gaganap na Valentin bukod pa sa ilalim ito ng direksyon ni Direk Soxy Topacio. Mapapanood ito mula March 7-9 sa Teatrino, Promenade at magkakaroon ng press preview sa March 6.

 Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Related Post

loading...

One thought on “John Prats, ‘di pa pormal ang relasyon kay Isabel Oli

  1. AY WATCH NYO NA BA ANG LAFANGAN NINA BB GANDANGHARI AT ANG PAPA NYA SA HALIK NG TARANTULA? O HETO MGA BEKI   http://www.youtube.com/watch?feature=player_embedded&v=jNUOZlpUurQ

Leave a Reply

Your email address will not be published.