John Lloyd Cruz, magaling nang magpalusot!

MAGALING NA RIN talagang lumusot si John Lloyd Cruz kapag nahahalata niya na sa bawat pag-uurirat sa kanya ng press ay gustong laliman ang tsika tungkol sa relasyon nila ni Shaina Magdayao. Mas madalas niyang daanin sa ngiti at pagbibirong okey lang sila at wala na siyang kasunod na salitang idurugtong pa. Pero sa totoo lang at ‘yung hindi nakikita ng kamera ay nagpapatuloy talagang maganda ang kanilang relasyon, kaya pinoprotektahan na lang nilang dalawa na huwag laging mapag-usapan.

Ang kulang na lang talaga kina Shaina at John Lloyd ay kasal. Kasi nga, pagka-tapos ng bagyong intrigang pinagdaanan nila, napatunayan naman nilang pareho na matatag silang dalawa. Botong-boto ang mga kaanak ni Shaina kay Lloydie, at ang kaanak din naman ng magaling na aktor ay botong-boto rin kay Shaina. Nakatutok si Vina Morales sa lovelife ng kanyang kapatid, dahil sanggang-dikit naman sila, kaya ipinagpapasalamat ng singer-actress na happy ang kanyang sister sa pagmamahal ni JLC.

Hindi sinasabi nina Shaina at John Lloyd na perpekto ang kanilang relasyon. Ang ipinagmamalaki lang nila, alam na nila ngayon kung papaano pag-ingatan ang mga paninirang laging ipinupukol sa kanilang relasyon, dahil pinagdaanan na nga nila iyon at napagtagumpayang malampasan. Para kina Shaina at Lloydie, tutok na lang sila ngayon sa magkakahiwalay nilang trabaho sa showbiz at deadma na lang sila sa mga nag-iimbento ng paninira na naglalayong hamunin ang katatagan ng kanilang relasyon.

 

NAKAHANDA SI JOKO Diaz na ipagpatuloy kung ano ang iniwang propesyon ng kanyang yumaong ama na si Paquito Diaz. Bilang mga anak kasi, nagsilakihan sina Joko at sister niyang si Cheska na ang nakagisnan nilang trabaho ng kanilang daddy ay ang pag-aartista. Kaya nga nu’ng ma-stroke si Mang Paquito hanggang sa pumanaw, parang laging nadudurog ang puso ni Joko sa tuwing nagkukuwento ang kanyang daddy, na gusto na nito ulit mag-artista.

“Kahit talagang hirap na ang kundisyon noon ni Daddy, hindi niya nakakalimutan ang showbiz. Nasa sistema na kasi niya iyon, kaya talagang hinahanap-hanap niya. Nalulungkot siyempre ako noon, dahil ganu’n ‘yung pagmamahal niya sa trabaho niya, kahit hindi na talaga niya pupuwedeng gawin. Doon ako sobrang nalungkot para sa kanya,” wika ni Joko.

Kasama ngayon si Joko sa pelikulang Hitman na pinagbibidahan ni Cesar Montano sa Viva Films. Sa tuwing haharap siya sa kamera para sa mga eksena, hindi raw maiwasan ni Joko na hindi maalaala ang kanyang daddy.

“Alam ko, nasaan man siya ngayon ay happy siya kapag umaarte na naman ako sa pelikula. Pupuwede rin namang umiba ako ng linya, halimbawa’y pumasok sa negosyo kapag hindi masyadong busy sa showbiz. Pero kay daddy ko rin natutunan ‘yung pagmamahal sa propesyon na ito. Kaya kapag mayroong magandang offer, pabalik-balik lang din ako sa pelikula. Hindi ko ito makakalimutan,” banggit pa ng action star.

 

PERSONAL: BELATED HAPPY birthday kay Phoemela Barranda. Ang wish ko para sa kanya ay maging masaya ang kanyang lovelife, tsaka bumongga rin ang acting career para mapanood na rin siya sa mga teleserye ng ABS-CBN. Hindi ko makakalimutan si Phoem, dahil nagkameron kami dati ng tampuhan, at si Julie Bonifacio ang gumawa ng paraan para kami magkabati sa studio ng The Buzz. Paborito kong ramp model si Phoem, kaya tinanggap ko agad noon ang pakikipag-peace niya sa akin.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

4 thoughts on “John Lloyd Cruz, magaling nang magpalusot!

  1. wala bang ibang balita? nakaka-umay na itong si Shaina at john lloyd… 

    bakit di nyo isulat yung away ni kris at sharon o kaya ni christy baboy at nora walang honor? 

Leave a Reply

Your email address will not be published.