Joey de Leon, nagpasaring na naman kay Willie Revillame by Gorgy’s Park

PATULOY PA RIN nating sinusubaybayan itong sex video scandal na kinasangkutan nina Katrina Halili at Dr. Hayden Kho kaya pinagkaguluhan na naman ang sexy star nang pumunta ito sa PRC o Professional Regulatory Board nu’ng nakaraang Biyernes para harapin ang imbestigasyon ng Phil. Association of Professional Regulatory Board.

Clarificatory investigation daw iyun dahil kailangan sagutin na ni Katrina ang imbestigasyong iyun para mapagdesisyunan kung karapat-dapat nga bang tatanggalan ng lisensya ng pagka-doktor si Dr. Hayden Kho.

Isa lamang ito sa gustong mangyari ni Katrina nang makaladkad siya sa kahihiyan dahil sa sex video na iyun.

Pero parang napagod na ito sa kababalik-balik sa mga hearing kaya pagkatapos ng imbestigasyon sa kanya, nagsalita na ito na bahala na kung ano ang desisyon sa mga kasong isinampa niya.

Galing nga sa matinding pag-iyak si Katrina pagkatapos ng imbestigasyon dahil sa dami ng mga tanong sa kanya, bumalik na naman daw sa alaala niya ang kahihiyang inabot niya sa sex video na ginawa sa kanya ni Dr. Hayden.

“Bahala na sila. Ako, ayos lang kung manalo o matalo sa kasong ito. Wala na akong hangad na makulong siya o ano. Hindi naman ako Diyos na magbibigay ng karma sa kanya,” naiiyak na namang pahayag ni Katrina.

Pagkatapos ng hearing na iyun, maghihintay na lang daw sila ng 30 days pagkatapos nilang magsumite ng position paper. Pati rin si Dr, Hayden, dapat mag-submit din ng position paper at doon na ibababa ang desisyon kung kailangan bang tanggalan ng lisensya ang kontrobersyal na doktor.

Bukod dito sa PRC, hinihintay na rin nina Katrina ang resolution ng DOJ kung aakyat ba sa korte ang kasong isinampa nito. Bahala na raw ang Diyos, at siya patuloy na lang daw sa pagtatrabaho.

Si Katrina ngayon ang cover sa latest issue ng Mega magazine at tinawag siya roon na “accidental porn star.” Nagpapasalamat si Katrina dahil sa kabila ng kahihiyang inabot niya, marami pa rin ang nagtitiwala sa kanya at ilagay sa cover ng mga bonggang magazine.

HINDI NA NAGKOMENTO ang mga host ng Startalk sa isyung kinasangkutan ngayon ni Willie Revillame na kung saan napagbintangan itong binastos ang funeral procession ng dating Pangulong Cory Aquino.

Kinunan ni Kuya Ricky Lo ng reaksyon si Kris Aquino tungkol dito pero gusto nitong gawing pribado na lang ang napag-usapan nila.

Basta tapos na raw iyun sabi ni Kris, pero hindi pa nakunan ng reaksyon ang iba pa niyang kapatid kaya abangan na lang natin dahil nakatakdang interbyuhin sila ni Kuya Ricky.

Sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado ay may VTR story tungkol sa ginawa ni Willie dahil ang isa sa nag-react dito ay ang MTRCB Chairman Consoliza Laguardia. Pero hindi na nagbigay ng komento ang mga host.

Pero nabigla kaming lahat nang magbiro si Tito Joey de Leon sa isang  segment na kung saan may live feed coverage sa fan’s day ni Marian sa SM North Edsa para sa promo ng Darna.

Naka-split screen ito dahil ipinapakita ang nagaganap sa naturang fan’s day, katabi ng frame ni Tito Joey.

Biglang nag-dialogue ang Tito Joey ng “Ano ba ‘yan! Kung si Marian ang ipapakita nyo, si Marian na lang. Kung ako, ako!” sabay alis at nawala na ito sa frame.

Nabigla ang lahat sa studio dahil hindi nila inakalang gagawin iyon ni Tito Joey. Nagbiro lang naman siya na obvious na si Willie ang pinapasaringan nito.

By Gorgy’s Park

Previous articleBravo, Tita Cory! By Boy Abunda
Next articleCarlo J. Caparas, rumesbak sa mga kritiko! by Eddie Littlefield

No posts to display