Jobless, Umabot na sa 3-M

NAITALA NOONG Abril ang pinakamataas na unemployment rate o bilang ng walang trabaho sa loob ng tatlong taon sa Pilipinas.

Lumalabas sa tala ng National Statistics Office (NSO), pumalo na sa 7.5% ang unemployment rate sa bansa mula sa 6.9% noong Abril 2012.

Katumbas ito ng 3.09 milyong Pinoy na walang trabaho kumpara sa dating bilang na 2.8 milyong Pinoy.

Ang 7.5% na unemployment rate na ito ay pinakamataas sa loob ng tatlong taon o sumusunod sa naitalang 8% unemployment rate noong Abril 2010.

Sinabi pa ng NSO na mas mataas ng 10% ang bilang ng mga walang trabaho sa National Capital Region (NCR) at Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON).

Mas marami rin sa mga walang trabaho ang lalaki (61.4%) kumpara sa babae (38.6%).

21.3% naman ng mga walang trabaho ang college graduates, 14.6% ang college undergraduates at 31.7% ang high school graduates.

Samantala, bumaba ang employment rate o bilang ng mga Pilipino na may trabaho.

Sinabi pa rin sa NSO na naitala sa 92.5% ang employment rate sa bansa noong Abril kumpara sa 93.1% noong Abril 2012.

Katumbas ito ng pagbaba sa 37.819 milyong Pinoy na may trabaho mula sa dating 37.840 milyong Pinoy.

Ito ay dahil anila sa pagbaba ng employment sa sektor ng agrikultura.

Bahagya namang bumaba ang underemployment rate sa 19.2% mula sa 19.3% noong Abril 2012.

Samantala, 7.252 milyong Pinoy ang may trabaho ngunit naghahangad pa ng karagdagang oras sa trabaho, dagdag na trabaho o panibagong trabaho kumpara sa dating 7.312 milyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.