Tanda Ba News?: Jericho Rosales: Premyadong ‘boy-next-door’ actor

Boy-next-door ang dating na inayunan ng suwerte, ‘yan ang naging pasaporte ni Jericho Rosales nang tanghalin siyang ‘Mister Pogi’ sa contest ng Eat Bulaga noong 1996. Sino ba naman ang mag-aakalang ang morenong bagets na nagpakitang-gilas sa pagsasayaw nu’ng panahong ‘yon ay isa na ngayong premyadong aktor at mahusay na singer? Pero noon pa man ay kinakitaan na si ‘Echo’ nang potensiyal sa larangang kinabibilangan niya ngayon. Sa paglipas ng mga taon, nahasa nang husto ang ‘raw talent’ na ‘yon ng aktor. At ngayon nga, isang kinikilala at hinangaang aktor ng kanyang henerasyon.

Matapos manalo sa male beauty contest ng Eat Bulaga, napabilang si Echo sa Star Circle Batch 4 ng ABS-CBN. Sa episode na ‘Pampang’ ng drama anthology na Maalaala Mo Kaya, ginawaran siya ng Best Single Peformance by a Lead Actor ng Star Awards For TV noong 1998. Siya rin ang itinanghal na Best New Male Personality nang taon ding ‘yon.

Makalipas ang dalawang taon, year 2000, muli niya itong napanalunan sa parehong TV show sa episode na ‘Pasa.’ Nang sumunod na taon, 2001, itinanghal naman siyang Best Drama Actor para sa teleseryeng Pangako Sa ‘Yo. Sa programa ring ito mas lalong kuminang ang bituin ni Jericho at kinakiligan ang loveteam nila ni Kristine Hermosa. Alam n’yo bang ang teleseryeng ito ay napanood din sa iba’t ibang panig ng Southeast Asia?

Mahaba-haba na rin kung tutuusin ang listahan ng mga parangal na tinanggap ni Echo. Most recently, sa 25th Star Awards for Movies, nakopo niya ang Best Actor award para sa pelikulang Baler. Sa pelikulang Tanging Yaman noong 2000, na-nominate sa halos lahat ng award-giving bodies sa kategoryang Best Supporting Actor. Puro markadong roles ang ginampanan ni Echo sa iba’t ibang pelikula. Ilan sa mga ito ay ang Panaghoy Sa Suba, Nasaan Ka Man, at Pacquiao: The Movie.

Naging miyembro rin si Echo ng ‘The Hunks,’ isang all-male sing-and-dance group ng Star Circle na kinabibilangan nina Piolo Pascual, Carlos Agassi, Bernard Palanca, at Diether Ocampo.

Makulay rin ang lovelife ni Echo, kabilang sina Angelika dela Cruz, Cindy Kurleto, Kristine Hermosa, at Heart Evangelista sa mga na-link sa kanya. Si Heart ang pinakahuli niyang girlfriend. Marami ang nag-akala na mauuwi ang kanilang relasyon sa altar, pero naghiwalay rin ang dalawa.

Kung hindi abala sa showbiz, isa sa paboritong sports ni Echo ay ang surfing. Nagkaroon din ng banda si Echo na tinawag niyang Jeans. Sa kasalukuyan, meron siyang self-titled solo album. At muli silang magtatambal ni Kristine Hermosa sa baong teleserye ng ABS-CBN na Dahil May Isang Ikaw.

Click to enlarge.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.