Jeepney Driver, Patay sa Sobrang Init

HEAT STROKE umano ang nakikitang dahilan ng pagkamatay ng isang 25-anyos na driver makaraang matagpuang patay sa inuupahang kuwarto nito kamakalawa ng tanghali sa Caloocan City.

Kinilala ang biktima na si Aldrine Guillermo, 25, driver at nangungupahan sa boarding house na matatagapuan sa # 57 KKK St., Katipunan, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City Police Station Investigation and Detective Management Branch pasado alas-12:00 ng tanghaling tapat nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto.

Nabatid na naalarma ang landlord na si Jonas Alendeos, 48 anyos, dahil tanghali na ay hindi pa lumalabas ang biktima sa kanyang kuwarto para bumiyahe ng pampasaherong jeep.

Dahil dito, kinatok ng landlord ang pintuan ng kuwarto ng biktima su-balit hindi sumasagot si Guillermo, kung saan ay inisip ni Alendeos na imposibleng nakaalis na ang biktima dahil palagi namang nagpapaalam ito sa kanya bago umalis.

Idinikit ng landlord ang kanyang tenga sa pintuan upang marinig kung may tao sa loob ng silid, ngunit tunog lamang ng bentilador ang kanyang narinig na naging patunay sa kanya na may tao pa sa loob.

Sa pagkakataong iyon, kinuha na ng landlord ang duplikado ng susi ng kuwarto ng biktima upang pasukin ang kuwarto, sa pagaalala na rin na baka kung anong nangyari na sa kanyang boarder.

Nang mabuksan ang pinto ay doon niya nakita si Guillermo na ang akala pa niya ay himbing lamang sa tulog. Kanya itong ginising ngunit nang kanya itong hawakan ay malamig na ang katawan at iba na umano ang kulay kaya’t nakumpirma niyang patay na ito.

Kaagad na ipinagbi-gay-alam ni Alendeos sa pulisya at nang magsagawa ng imbestigasyon ang Northern Scene of the Crime Operatives, lumalabas na walang bakas ng external injuries sa katawan ng biktima.

Lumalabas sa resulta ng autopsy na inatake sa puso ang biktima dahil na rin umano sa sobrang init at kakulangan na rin ng tubig sa katawan ng biktima.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.