Jeep, Nahulog sa Bangin; 13 Patay

UMABOT NA sa 13 ang namatay sa nahulog na pampasaherong jeep sa bangin sa Sitio Bayoyo, Boyacaoan sa Buguias, Benguet, Sabado ng hapon.

Ito’y matapos na ring bawian ng buhay ang isa pa sa mga sugatan na si Braille Waclin na ginagamot sa Baguio General Hospital.

Kabilang sa mga unang naireport na namatay ay sina: Biana Olsim, Manuel Langbis, Bino Waclin, Melania Madiano, Alfredo Pattian, Ferdilyn Igualdo, Arnaldo Madiano, Kimberly Waclin, Ema Tosay, Melanio Igualdo, One Marietta Gaspili at Melin Dasdas.

Base sa report, galing sa isang victory party ng nanalong alkalde sa Barangay Natubleng ang 19 na sakay ng Ford Feria model na pampasaherong jeep na unang inakalang trak.

Pauwi na sa Poblacion Buguias ang mga ito dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang aksidente.

Hinihinalang dahil sa zero visibility sa lugar dulot ng lakas ng buhos ng ulan kaya dumausdos ang jeep sa higit 80 talampakang bangin.

Lima ang sugatan at isinugod sa Abatan Emergency Hospital at Lutheran Medical Association. Kinilala ang mga ito na sina: Basilio Baldos, Oronio Agyapas, Ambrocio Menzi Jr., Nicole Waclin at Wela Waclin.

Bukod sa masamang panahon, ayon sa ilang pasahero, mabilis umano ang takbo ng jeep at nakaidlip ang drayber nito na si Menzi.

Ayon sa salaysay ni Jerry Bisaya, nakaligtas sa pagtalon sa jeep bago mahulog, para aniyang lumipad ang jeep nang dumaan ito sa isang hump at suwerteng nakatalon na siya bago pa tuluyang mahulog ang jeep.

Nahirapan ang rescue team dahil sa lalim ng pinaghulugan ng jeep at nakasara ang pinto nito.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Benguet ang pagtulong sa mga gastusin ng naulilang pamilya.

Sa ngayon, posibleng maharap sa kasong Physical Injuries at Multiple Homicide ang drayber.

Samantala, ayon sa mga kaanak, hindi na nila sasampahan ng kaso si Menzi dahil kaanak nila ito at aksidente lamang umano ang nangyaring insidente.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.