Jeane Napoles, kinasuhan din

KINASUHAN NA rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion si Jeane Napoles ang anak ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na nasasangkot sa kontrobersiyal na multi-bilyong pork barrel fund scam.

Sinabi ni BIR Commissioner Kim Henares na nasa P32 milyon ang tax liabilites ni Jeane Napoles.

Bigo umanong makapagbayad ng buwis para sa taong 2011 at 2012 ang nakababatang Napoles na may mga ari-arian sa Los Angeles, California sa Amerika at farm lot sa Bayambang, Pangasinan.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng BIR, may pag-aaring condominium unit si Jeane Napoles sa California na umaabot sa P54.73 milyon habang ang property nito sa Pangasinan ay nagkahalaga ng P1.49 milyon noong 2012.

Ang anak ni Napoles ay pang-191 nang kinasuhan ng tax evasion sa DoJ.

Maaalala na kinasuhan din ng tax evasion ng (BIR) sa Department of Justice (DoJ) si Janet at asawa nitong si retired Marine Maj. Jaime Napoles dahil sa hindi pagdedeklara ng tamang kinita, buwis at ulat sa income tax return (ITR).

Inihayag ni Henares na aabot ang total liability ni Janet sa P44.68 milyon; habang P16.43 milyon naman para sa kaniyang asawang si Jaime.

Samantala, tiniyak naman ng kawanihan na matibay ang kanilang mga ebidensya na nakalap mula sa mga nakatransaksyon ng inaakusahang isa sa utak ng nasabing scam.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.