Janna Domiguez, may ibang pinaglalaanan ng kita!

NAGTATALO ANG DALAWANG opinyon tungkol sa nalalapit na pagpapakasal nina Senador Mar Roxas at Korina Sanchez. May nagsasabing bago matapos ang taon, magpapakasal na sila. Meron namang nagbigay ng opinyon na pagkatapos na ng eleksiyon sila haharap sa altar.

Ang katuwiran ng naniniwalang bago matapos ang taon sila magpapakasal, “Siyempre naman, kailangang magpakasal na sila agad, para bago ang election, wife na ang pakilala ni Senator Mar kay Korina!

“Hindi naman sa minamaliit ko ang capacity ni Senator Mar, pero napakalaking tulong ni Korina sa kandidatura niya, parang si Sharon (Cuneta) siya kay Senator Kiko Pangilinan.

“Iba kasi ang charisma ng babae, sikat na sikat pa naman si Korina, kaya hindi naman sa gagamitin siya ni Senator Mar sa eleksiyon, pero let’s face it, napakalaking dagdag-boto para sa kanya ni Korina!” Katuwiran ng aming source.

Ang isa namang nagsasabing pagkatapos na ng eleksiyon sila magpapakasal ay may ganitong opinyon, positibo na ang pananaw nito sa darating na halalan, si Senator Mar Roxas na ang magiging bagong pangulo ng ating bayan.

“Mas maganda kung pagkatapos na ng eleksiyon sila magpapakasal, double celebration ‘yun, dahil bukod sa wedding nila, victory party na rin ‘yun para kay Senator Mar bilang presidente!

“Napakasaya nu’n kapag nagkataon, legal nang Pangulo at First Lady ang mga ikakasal, siguradong buong mundo ang coverage ng kasal nila dahil bagong presidente ng Pilipinas, magpapakasal na!” Katuwiran naman ng aming kakuwentuhan.

Bago o pagkatapos man ng eleksiyon ang pagpapaksal nina Senador Mar at Korina ay walang problema. Ang mahalaga, tuloy na tuloy na ang pagharap nila sa altar. Itinuturing na kasalan ng taon ang gaganaping pag-iisang-dibdib ng cool na cool na mambabatas at palabang news anchor.

Pero panalo ang nagbigay ng opinyon na bago ang eleksiyon magaganap ang kasalan. Mag-abang na lang tayo kung ano ang eksaktong petsa ng kanilang kasal sa pagitan ng mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.

GUSTO NAMING PURIHIN ang maagang pagkamulat sa pag-iingat sa kanilang pinaghihirapan sina Janelle Jamer at Janna Dominguez. Kung ang ibang artistang kumikita na nang maganda ay puro granatsa ang inaatupag, ang dalawang ito naman ay negosyo na agad ang nasa utak. Malapit nang magbukas ang pinagsososyohan nilang resto-bar sa Panay Avenue.

Ang pangalan ng kanilang restaurant-bar ay Baluarte. Si Tita Cynthia Tayag at ang stepmom ni Janna na si April Angeles ang magkakasosyo sa negosyo. Maganda ang linyang pinasukan nila dahil isa sa pinakasiguradong negosyo ngayon ang pagkain.

Puwede tayong hindi makiuso sa damit at sapatos, pero hindi tayo puwedeng mabuhay nang hindi kumakain, kaya tamang negosyo ang pinasok nina Janna at Janelle.

“Affordable ang presyo ng mga pagkain namin, dumaan sa mahigpit na screening ang mga cook namin, kailangang ma-please namin ang mga clients para ang minsang pagpunta nila, masundan pa nang masundan,” sabi ni Janelle.

Tama naman ang punto ni Janna, “Gusto ko pong makita ang pinaghihirapan ko, madaling maubos ang pera, kaya kailangang i-invest ko sa negosyo ang kinikita ko.

“Iba pa rin po ‘yung may fallback ka, hindi naman sa lahat ng panahon, e, maraming projects ang mga artista. Magandang paghahanda na po ito sa future ko,” sabi ng dalagang mas gumaganda pala kapag tinititigan mo.

Baluarte ang napili nilang pangalan dahil maraming ibig sabihin ‘yun. Baluarte dahil puwedeng ‘yun na ang magiging tambayan ng mga gustong maglibang at magpalipas ng oras sa gabi sa kanilang bar.

Balaurte dahil ‘yun na ang magiging paboritong lugar ng mahihilig sa masasarap na pagkain. Baluarte dahil ‘yun na ang magiging mundo nina Janelle at Janna.

Sa June 28 na ang pormal na inagurasyon ng Baluarte.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

One thought on “Janna Domiguez, may ibang pinaglalaanan ng kita!

Leave a Reply

Your email address will not be published.