Jake Cuenca, pinagsasawaan na?!

PINANININDIGAN PA RIN ni John Lloyd Cruz, na anumang isyu ang lumabas tungkol sa kanilang dalawa ni Shaina Magdayao, na kumukuwestiyon sa kanilang katatagan, hindi naman niya iniiwan sa ere ang sister ni Vina Morales.  Nauna na kasi rito, sobra ang pananahimik ni Shaina tungkol sa usap-usapang nagkakalabuan na silang dalawa ni Lloydie. Ipinagdidiinan ng kontrobersiya, na diumano’y napakalaki ng epektong nagawa ng mga pinakawalang salita ni Ruffa Gutierrez tungkol sa magaling na aktor, patungkol sa patuloy nilang komunikasyon kahit si Shaina na nga ang tunay na karelasyong inamin ng Kapamilya actor.

Dahil lagi namang ipinapasa ni Shaina kay John Lloyd ang pagsasalita sa kung anu-anong isyu tungkol sa kanilang relasyon, muli na namang sinagip ng aktor ang dalaga sa pamamagitan ng salitang hindi naman daw sila nagkakalabuan.  Na patuloy naman nilang inaalagaan ang kanilang relasyon. Ang dahilan daw ng kanilang mga pananahimik ay ang pareho nilang kaabalahan sa kanilang mga trabaho. Si Shaina ay nagko-concentrate sa pinagbibidahan niyang teleserye, ang Alyna ng ABS-CBN, habang si Lloydie naman ay ratsada sa taping nila ni Angel Locsin ng teleseryeng Imortal at sa shooting ng pelikula nilang My Amnesia Girl ni Toni Gonzaga sa Star Cinema.

Humupa na rin naman ang isyu nina Ruffa at John Lloyd, kaya sobrang masaya ang aktor. Dahil kahit ano pa ang mga naglalabasang intriga, hindi na talaga nagbigay ng anumang pahayag si Shaina.

‘Yun nga lang, kahit kinlaro na niyang hindi sila nagkakalabuan ni Shaina, hindi naman naipaliwanag ang isyung pagkatapos ng paglalabas ng sama ng loob ni Ruffa ay lagi pa rin daw naglalasing ang magaling na aktor. Kaya patuloy siyang napagbibintangan na may “something” pa rin siyang nararamdaman sa unica hija ni Tita Annabelle Rama, kahit nariyan na nga si Shaina. Ano ba ‘yan?

PAREHONG DAPAT NA mag-ingat sina Melissa Ricks at Jake Cuenca sa mga panahong ito, dahil nasesentro sila ngayon sa mga pang-iintriga. Una na nga, sirang-sira ang credibility ni Melissa, dahil noong una ay tigas siya sa pagdedenay na wala naman silang relasyon ni Jake.

Pero dahil sa mga naglabasang pictures kung saan makikitang sweet na sweet silang dalawa, iyon na talaga ang nagkukumpirma, na sila na nga. Hihirit na naman ba si Melissa ng pagtanggi?

Kami naman, bilang writer ay walang reklamo kay Jake. Kaya lang, ewan na lang kung ano ba ang atraso niya sa ibang tao, dahil ang dami-daming naninira sa kanya. Isa na siya sa pinakaguwapo at paboritong aktor ngayon, na malinis naman, pero sinisi-raan siya na marumi raw siya sa katawan. Ayaw rin siyang tantanan ng kung sinu-sinong mga mayayamang bading, na nagki-claim, na diumano’y may kakaiba silang naging closeness sa mabait na aktor.

Habang deadma si Jake sa mga isyung ibinabato sa kanya, iniintrigang laos na raw siya dahil wala na siyang mga proyekto sa telebisyon at pelikula, gaya ng dati. Pero depensa naman ng mga taong nagmamalasakit sa aktor, maraming ginawang proyekto ang binata, na maglalabasan pa lang, katulad ng teleseryeng Green Rose na pinagbibidahan ni Anne Curtis.

Kasama rin siya sa pelikula nina Aga Muhlach at Angel Locsin sa Star Cinema. Kasama rin siya sa pelikula ni Marian Rivera sa Regal Films, at isa rin si Jake sa mga bida sa indie film na HIV.

“Kung anu-ano na lang ang ibinibintang nila kay Jake, eh, nagtatrabaho naman ‘yong tao. Pero okey lang kay Jake, cool lang naman siyang magdala ng kung anu-anong intriga. Basta, tuloy lang siya sa kanyang kasipagan sa trabaho,” wika ng isang kaibigan ni Jake.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

One thought on “Jake Cuenca, pinagsasawaan na?!

Leave a Reply

Your email address will not be published.