Jake Cuenca, clueless sa pag-uugnay sa kanya kay Cedric Lee

Jake-Cuenca Jake-CuencaAGAD NA sinagot ni Jake Cuenca na hanggang sa ngayon ay hindi niya alam kung sino ang nasa likod ng pamamaril ng sasakyan niya noon. Kaya hindi niya alam kung bakit lumalabas ang pangalan ni Cedric Lee tungkol sa nangyari dati sa kanya.

Ang hindi rin klaro sa amin ay bakit lumalabas din ang pangalan ni John Lloyd Cruz. Marami tuloy ang nagtatanong kung naka-engkuwentro din kaya ng sikat na aktor si Cedric at may naranasan din daw na hindi maganda si John Lloyd sa kamay ng mayamang businessman?

Ang tanging kaugnayan na nakikita namin ay naging ex-girlfriend ng aktor si Shaina Magdayao, na kapatid naman ni Vina Morales na minsang nakarelasyon ni Cedric na siya ring ama ng anak ng singer/actress. Hindi malinaw kung dito kaya nagkabanggaan ang dalawa o may iba pang pangyayari na nagtagpo ang landas nila at nagkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa kanila.

Kasalukuyan pa ring nagpapagaling sa ospital si Vhong Navarro sa mga bugbog na tinamo niya. Pero gaya ng sinabi sa amin ni Beauty Gonzales na dating PBB housemate at nakatrabaho din ng komedyante sa pelikulang My Only U, ang hiling niya ay maka-recover agad si Vhong, hindi lang sa pisikal kundi maging sa emosyonal at mental trauma na pinagdaraanan nito.

Nabalita kasi noon na nasampahan daw ng kasong obstruction of justice si Beauty nu’ng patakasin daw nito ang kapatid na si Michael Ray Gonzales sa kasong human trafficking nu’ng Nobyembre nang nakaraang taon. Sa kabila ng naayos na ang nasabing problema, aminado ang dating PBB housemate na nagkaroon siya ng post trauma nang isang linggo dahil sa nangyari.

Sa nangyari kay Vhong na dumanas ito ng pambubugbog, pananakot at pambababoy, tiyak na mas matindi ang trauma at takot na pinagdadadaanan ni Vhong sa ngayon.

 

GUSTO NAMING magpahatid ng pakikiramay kay Regine Velasquez at sa kanilang pamilya sa pagpanaw ng kanilang ama na si Mang Gerry Velasquez. Sumakabilang-buhay sa edad na 76 noong February 3, pasado ala-una ng hapon, dahil sa heart failure. Dumalo pa sa presscon niya si Regine nu’ng umaga ng February 3 para sa concert nila ni Martin Nievera.

Si Mang Gerry ang susi sa anumang tagumpay na tinatamasa sa ngayon ng Asia’s Songbird. Siya ang humubog at humasa sa talento ni Regine mula pa nang pagkabata ng singer. ‘Di nga makalilimutan ang pag-eensayo na ginawa noon ni Mang Gerry, kung saan nakalubog sa tubig si Regine at kumakanta. Sa lahat din ng shows, concerts at activities sa showbiz ng singer ay laging nandu’n ang ama.

Sa Bulacan, ibuburol ang labi ni Mang Gerry kung saan taal na taga-roon talaga sila. Alam namin ang lungkot at sakit na dinaranas sa ngayon ng Pamilya Velasquez, lalo na ni Regine na mahal na mahal ang namayapang ama.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

loading...

2 thoughts on “Jake Cuenca, clueless sa pag-uugnay sa kanya kay Cedric Lee

Leave a Reply

Your email address will not be published.