Isasama raw sa Commercial: Sanggol, Kinidnap ng Talent Scout

NAGLUNSAD NG manhunt operation ang Mandaluyong City Police laban sa isang babaeng nagpakilalang talent scout at umano’y kumidnap sa tatlong buwang gulang na sanggol na babae, sa Mandaluyong City.

Ayon kay P/Senior Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng Man¬daluyong Police, na binuo niya ang Task Force “Sagip Angel“ upang bawiin ang biktimang si baby Hencel Mae Joy Diamon mula sa salarin na nakilalang si Lovelyn Casipe, na umano’y residente ng Novaliches, Quezon City.

Ang manhunt laban kay Casipe ay kasunod ng reklamo ni Liezel Tugade-Diamon, 33, ng Saluyot St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong.

Base sa pagsisiyasat, ganap na alas-9:00 ng umaga, hiniram ni Casipe ang sanggol mula kay Diamon, dahil magkakaroon umano ng audition para sa isang patalastas ng gatas, na may kapalit na buwanang sustento.

Dahil sa excited na makasama ang anak sa commercial, kahit bago pa lamang niyang nakikilala ang salarin ay nag¬tiwala agad ito at ipinahiram ang sanggol.

Gayunman, matapos na ipahiram ang anak ay hindi na ito isinauli pa ng salarin. Hindi na rin umano matawagan pa ng ina ng sanggol ang suspek sa cellphone nito sanhi upang magsumbong na ang misis sa mga awtoridad.

Ayon kay Quibuyen, sa ngayon ay negatibo pa ang impormasyon kung saan dinala ang sanggol.

Samantala, pinaalala-hanan din ni Quibuyen ang mga magulang na maging maingat at huwag basta-basta ipagkatiwala ang mga anak lalo na ang bata sa ibang tao, partikular na kung bago pa lamang ka-kilala.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.